Wanted: “Killer” na putol ang binti

Nagsasagawa ngayon ng manhunt operation, ang Manila Police District (MPD) laban sa isang umano ay ‘killer’ na putol ang kaliwang binti na nagtago matapos mapatay ang isang Lalamove driver, may apat na buwan na ang nakakalipas, sa Tondo, Maynila.

Tinutugis ng pinagsanib na tauhan ng MPD-Police Station 1 at Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) na pinamumunuan ni Maj. Edward Samonte ang suspek na si Daniel Borromeo ,alyas ‘Putol’ ng Franco St., Tondo dahil sa kasong paglabag sa Revised Penal Code Article 248 ( Murder).
Ang arrest warrant ay inilabas ni Presiding Judge Josephina Eco Siscar ng Manila Regional Trial Court Branch 55 nitong Oktubre 10 , 2022 at walang inilaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Putol.


Ang suspek umano ang responsable sa pagpatay sa biktimang si Allan Richardson Sumang sa Franco Street Barangay 64 sa Tondo noong Hulyo 15,2022 matapos undayan ng saksak habang nakatalikod.

May isang linggo pang naratay si Sumang bago binawian ng buhay.

Hustisya naman ang hingi ng kaanak ni Sumang na may naulila na 9 anyos na anak. (JERRY S. TAN)


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like