HALOS dalawang buwan pa bago ang nakatakdang October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay nakapagtala na ang Philippine National Police ng walong election-related violence, base sa datos na naipon ng kapulisan .
Kabilang sa walong suspected ERVs ang pamamaril sa incumbent Brgy. Chairman sa Libon, Albay habang iniimbestigahan naman ang pagpatay sa barangay chairman na si Kap Resty Hernandez sa Taal, Batangas kamakalawa .
Kasabay naman ng pinaiiral na suspension ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ay nasa 227 katao na ang naaresto dahil sa paglabag sa ipinatutupad na ‘total gun ban’ sa buong bansa.
Base sa record ng PNP, sa loob ng siyam na araw na implementasyon ng election gun ban ay umaabot naman sa 173 baril ang nakumpiska kabilang na ang 169 short firearms at apat na light weapons.
Nabatid na nagkaroon ng command conference ang Commission on Election , Armed Forces of the Philippines, PNP at iba pang law enforcement agency ng gobyerno kasunod ng mga naitalang karahasan na pinaniniwalaang may kaugnayan sa nalalapit na BSKE 2023.
Isa na rito ang walang habas na pagpapaputok ng baril sa bahagi ng Mindanao ng ilang lalaki na layon umanong pigilan ang paghahain ng COC ng ilang kandidato sa nasabing lugar.
Dahil dito, agad ipinag-utos ng COMELEC sa PNP na magsagawa ng imbestigasyon at kasuhan ang mga responsable sa mga nasabing insidente,
“We are now beefing up our forces there to make sure that there will be no further violations or similar incidents that will happen in that area. ‘Yung nagpaputok, he was identified by our ground units and we are now preparing the necessary charges against him,” ayon kay Acorda.
Dahil sa insidente, kinokonsidera ng Commission on Election na isailalim sa kanilang control ang buong bayan ng Malabang habang nag-deploy na ang PNP ng karagdagang 150 tauhan sa lugar para para matiyak ang maayos at mapayapang halalan sa Oktubre 30.














