PINASIBAK sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang walong chief of police sa Metro Manila matapos mabigong ipatupad ang 5-minute response time sa emergency call sa kanilang area of responsibility.
Ang mga chief of police na na-relieve sa pwesto ay nakatalaga sa mga lungsod ng Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong, Marikina, San Juan, Parañaque at Makati.
“Pina-relieve ko ang mga chiefs of police na ‘yun sapagkat hindi sila maka-cope up or ayaw nilang mag-cope up sa standards,” ani Torre.
“I’ve explained to them, we will not be able…to deliver on the 5-minute response promise, as directed by the President, hindi namin mako-comply ito, kung ganoon ang reaksyon ng mga opisyal na yun,” sabi pa ng heneral.
Magugunita na nang opisyal na manungkulan si Torre bilang pinuno ng Pambansang Pulis ay ipinangako nito na tutugon ang mga pulis sa 911 emergency call sa loob lamang ng limang minuto at plano pa ng heneral na oras na masanay na sa 5 minutes response time ang kapulisan ay bibilisan pa nila ito at gagawin na na tatlong minuto na lamang.
Napag-alamang galing ang PNP chief sa Visayan region at may ilang opisyal mula sa Negros Island region, Western Visayas at Central Visayas ang posibleng masibak din sa puwesto.
Ayon kay Torre, may mga susunod pang opisyal na matatanggal sa pwesto kung hindi sila makakasunod sa panuntunan.
Idinagdag pa ni Torre na kanyang ide-deklarang “open” ang mga nabakanteng posisyon upang bigyan ng pagkakataon ang iba pang interesadong opisyal na kwalipikado at may kakayahang magpatupad ng kanyang direktiba.
Nilinaw rin ni Torre na hindi isyu ang paggamit ng radyo kundi ang kakayahang mag-utos at makapag-responde agad sa mga sitwasyon, lalo na kung emergency.
Plano pang idagdag sa 911 emergency Call ang kaso ng bullying sa mga paaralan.














