KUMPISKADO ng Bureau of Customs -Port of Clark ang walong canisters na naglalaman ng ‘high-grade kush marijuana’ na galing pa sa Estados Unidos at itinangkang ipuslit sa paliparan.
Nabatid na ang kargamento ay mula sa Pennsylvania, USA, na idineklarang naglalaman ng “goodies”. Idinaan ito sa X-ray inspection at K9 sweeping na nagresulta ng pagkakatuklas sa illegal na droga.
Sa physical examination, nadiskubre ang walong canisters na naglalaman ng 35 gramo ng dried buds at dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P52,000.
Ikinasa naman ang controlled delivery operations ng PDEA at BOC sa Malabon City na nagresulta ng pagkakaaresto ng claimant na hindi muna pinangalanan.
Ipinadala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sample nito para sa chemical laboratory analysis na siyang nakumpirma sa Tetrahydrocannabinol/ Marijuana, isang ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para sa paglabag sa R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act na may ugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sinabi ng BOC na umaabot na sa P114 halaga ng iligal na droga ang kanilang nasasabat sa Port of Clark mula nitong Enero ng kasalukuyang taon. (Philip Reyes)














