Pinalaya ng pamahalaan sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang walong persons deprived of liberty (PDLs).
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na ang pagpapalaya sa mga naturang bilanggo ay bahagi ng pinaigting na pagsusumikap ng DOJ na i-decongest ang penal at prison facilities sa bansa.
“This is only the initial wave of PDLs released, more is expected in the days ahead,” ani Remulla.
Tiniyak din ng Kalihim na pauna pa lamang ito dahil mas marami pang mga PDLs ang palalayain sa mga susunod na araw sa parehong dahilan.
Matatandaan na noong Marso 9, 2024 ay pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng executive clemency ang 22 PDLs, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng DOJ.
Ang mga nasabing PDLs ay binigyan ng commutation of service habang ang iba pa ay binigyan naman ng conditional pardon.
Aniya, ang DOJ ay nananatiling ‘committed’ upang ipatupad ang direktiba ni Pangulong Marcos na i-decongest ang mga state penitentiaries sa bansa at pahintulutan ang mga reformed convict na makapagbagong-buhay.
Nagpahayag ng pasasalamat si Remulla sa Pangulo para sa suporta nito sa pagsusumikap ng DOJ na matugunan ang overcrowding sa mga piitan.