Latest News

WALONG ARAW NA COC FILING, ‘GENERALLY PEACEFUL’, AYON SA COMELEC

By: Philip Reyes

‘Generally peaceful’ o mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na walong araw na filing ng certificates of candidacy (COC) para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).

Napag-alaman kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na bagamat may naitala silang insidente ng COC snatching sa Negros Oriental, hindi naman ito sumasalamin sa kabuuan ng filing period.


“Generally peaceful. ‘Yung isang insidente sa isang bayan ay hindi reflection nang kabuuan ng filing period,” ani Garcia, sa isang media briefing nitong Miyerkules.

Ang COC filing na sinimulan noong Oktubre 1 ay pormal nang nagtapos nitong Oktubre 8, 2024.

Sa tala ng Comelec, nasa 184 ang mga kandidatong naghain ng COC para sa senatorial race. Mas marami ito kumpara sa 176 lamang na naghain ng kandidatura noong 2022 elections at sa 153 na naghain ng COC noong 2019 polls.


Nasa 190 naman ang mga grupong naghain ng kandidatura para sa partylist race, na mas mababa kumpara sa 270 na naghain ng kandidatura noong 2022 polls at mas marami sa 185 naman noong 2019 polls.

Kaagad umanong pag-aaralan ng Comelec ang mga inihaing COC ng mga aspirants at maglalabas sila ng pinal na listahan ng mga kandidato bago matapos ang taong kasalukuyan.


Tags: Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia

You May Also Like