INABOT ng kanilang dagliang kamatayan ang walong katao, kabilang ang pitong pulis, sa malagim na sakuna sa lansangan sa Purok 11, Brgy. Poblacion, Naawan, Misamis Oriental, nitong nakalipas na lingo matapos ang karambola ng tatlong sasakyan, habang nilalapatan pa ng lunas sa pagamutan ang may 26 pang biktima na karamihan sa kanila ay mga pulis na nanggaling sa pagsasanay.
Ayon kay Police Brigadier General Lorenzo Coop, Regional director ng Police Regional Office 10, nakasakay ang mga pulis sa dalawang van at binabagtas ang kalsada ng Cagayan de Oro papuntang Iligan City.
Lumilitaw sa inisyal ng imbestigasyon ng pulisya, na tinangkang mag-overtake umano ng dalawang passenger van sa sinusundang wing van truck na pulis din ang laman subalit sa kasamaang palad ay biglang sumabog ang unahang gulong ng trak na nagresulta sa banggaan ng 3 sasakyan.
Kinilala ang mga nasawi na sina SSg Michael Ermac, SSg Marjun Reuyan, Abapo Anito (Ret. PSSg)– Driver; SSg Jevilou Cañeda, SSg Aaron Ticar, SSg Arnill Manoop at SSg Eugene Lagcao.
Isinugod naman sa iba’t ibang pagamutan sa nasabing lalawigan at sa Lanao del Norte ang 17 pulis na sugatan sa insidente.
Ayon kay Coop, galing sa schooling at police training sa Cagayan de Oro ang mga pulis na sakay sa dalawang Toyota Hi Ace van.
Ayon sa imbestigador na si Pat. Joery Abragan ng Naawan Municipal Police Station, naganap ang insidente Dakong alas-9:25 ng umaga sa highway na patungong Cagayan de Oro City at Iligan City.
Sinabi naman kay Naawan Police Chief, Major Reynante Labio, pawang estudyante ng senior leadership course ang mga biktima at galing sa Police Regional Office 10 sa Cagayan de Oro City. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














