Wala pang naitatalang lokal na kaso ng “walking pneumonia” sa Pilipinas na naiulat na nagkaroon ng outbreak sa China at iba pang bansa.
“So far, this has not been reported simply because these are not being routinely tested,” ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag.
Ipinaliwanag ni Tayag na dati ay itinatala ang kaso ng sakit pero ang mga doktor ngayon ay kaagad na naghahatol ng antibiotics sa mga pasyente na may sintomas ng “Mycoplasma” pneumonia.
Napag-alaman na noong nakalipas na linggo,sinabi ng DOH na bumagal na ang bilang ng naitatalang bilang ng influenza-like cases.
Sa pinakahuling datos, lumabas na nasa 182,721 ang naitalang pasyente na may influenza hanggang noong Nobyembre 11, kung saan ito ay mga kaso ng Influenza A at B at COVID-19.
Sinabi ni Tayag na mayroon lamang clustering ng kaso at walang outbreak o infections na naiulat sa anumang rehiyon.
Pinayuhan ni Tayag ang publiko na upang maiwasan ang sakit ay sumunod sa minimum health standards gaya ng paghuhugas ng kamay, social distancing , pagsusuot ng face mask at magpabakuna.














