Naging mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na “Walk of Faith” na natapos lamang sa loob ng dalawa at kalahating oras at dinaluhan ng itinatayang 90,000 deboto, kahapon sa Maynila, base sa pagtaya ng Quiapo Church Command post.
Ang ‘Walk of Faith’ ay nagsimula ala-1:30 ng madaling araw sa Quirino Grandstand at nakarating sa Simbahan ng Quiapo,alas- 3:46 ng madaling araw.
Ayon sa Manila Police District (MPD), naitala na may 88 deboto na sinumpong ng hypertension kung saan 16 ang nagka-high blood sa Quiapo Church, 23 sa Quirino Grandstand at 35 habang lumalakad ang prusisyon.
Mayroon ring 11 na nagka-galos, tatlong nagka-sprain sa prusisyon, habang tig-isa ang hinika at nahilo.
Wala namang naiulat na nasawi sa panahon ng aktibidad.
Samantala, patuloy pa rin ang pagpupugay sa replika ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.
Sa Enero 9 ng 12:01 ng madaling araw, pangungunahan ni Cardinal Jose Advincula ang isang misa sa Quiapo Church. (Carl Angelo)