Ang naging palitan ng pahayag nina Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard at ng Chinese Embassy sa Maynila ay hindi isang simpleng sagutan lamang kung hindi ito ay hayagang tangka upang patahimikin ang Pilipinas at subukin ang katatagan na ipaglaban ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, “makatotohanang ebidensya at hindi propaganda ang inilalahad ng Coast Guard at hindi nagiging mali ang katotohanan dahil lamang hindi ito kanais- nais sa iba.”
Ang mga pahayag umano ni Commodore Tarriela ay nakabatay sa opisyal na mga ulat, mga larawan at dokumentaryo ng katotohanang mga insidente sa dagat, hindi gawa-gawa lamang o haka- haka at lalong hindi paninira, sapagkat may kalakip na ebidensya ng katotohanan.
Isinaad pa ni Goitia na ang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi lamang personal na aksyon ng isang opisyal. dahil ito ay isang malinaw na polisiya ng administrasyon ni Presidente Bongbong Marcos, Jr. na ihayag sa mga Pilipino ang totoong nangyayari na walang itinatago.
“Kapag hinihingi ang pananahimik ng isang opisyal, ang tinatamaan ay ang patakaran ng estado. Ang transparency ay hindi opinyon. Ito ay pagpapakita ng paninindigan ng Pilipinas. Maliwanag ang posisyon ni Commodore Tarriela. Ang paglalahad ng katotohanan ay isang pananagutan . Walang ulat na itatago at walang teritoryong isusuko. Nakatindig ang Pilipinas sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award,” dagdag pa ni Goitia, na nagsabing ang isyu ay wala na sa antas ng indibidwal at isa na itong usapin ng estado.
Sa panawagan ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tugunan ang agresibong asal ng China alinsunod sa Vienna Convention, sinabi ni Goitia: “Estado ang nakikipag-usap sa estado, hindi dapat tinatakot ang mga lingkod -bayan na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin. Ito ay usapin ng dignidad at soberanya.”
“Ang soberanya ay pinangangalagaan sa batas at matatag na paninindigan. Ang paglalahad ng katotohanan ay hindi paninira. Ito ay disiplina. Ito ay tungkulin. At ito ay hindi hihinto,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa kanya, ginampanan ng Philippine Coast Guard ang mandato nito at nagsalita si Commodore Tarriela nang may katatagan at awtoridad.
“Ang tungkulin ngayon ng estado ay ipagtanggol ang sarili nitong mga institusyon. Tumatatag ang republika, dahil hindi ito natitinag kapag hinaharap ang katotohanan,” pagtatapos ni Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ng mga advanced degree na MNSA, MPA at MBA, bukod pa sa iba.














