WALANG PULIS NA SANGKOT SA ALAMEDA AMBUSH

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na wala silang tauhan na sangkot sa malagim na pananambang sa Bagbag, Nueva Vizcaya na ikinamatay ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at lima nitong kasamahan noong Linggo.

Nilinaw ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na walang kinalaman ang kanilang mga tauhan sa naganap na pagpatay kina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda na sinasabing inambush ng mga armadong kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng pulis at lulan ng isang government vehicle.

Ayon kay Col. Fajardo, hindi pa ganap na kumpirmado kung totoong uniporme ng pulis ang nakitang suot ng mga nanambang kaya patuloy itong kinukumpirma ng mga imbestigador.


Katunayan ay kinakausap na umano ng mga imbestigador ang ilang testigo sa krimen para malaman ang mga detalyeng kanilang nakita.

Sa isang panayam, sinabi Col Fajardo: “Linawin lang natin: wala pong PNP members na involved po dito at ang tinitingnan po ay maaaring ‘tong suspect ay nagsuot lamang ng mga uniporme to make it appear na sila ay lehitimong mga government forces noong sila ay maglagay nga po ng mga unauthorized checkpoint doon po sa lugar ng ambush po.”

“Base po doon sa mga nakuhanan natin ng statement sa mga witness ay ang sinasabi po nila, ito pong mga armadong kalalakihan ay naglagay po nga po doon ng checkpoint sa tapat nga po ng eskwelahan,” dagdag nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, tinatahak ng Hyundai Starex Van ang national highway patungong Aparri nang pahintuin ito ng mga unipormadong suspek sa harapan ng MV Duque Elementary School sa Barangay Baretbet, gamit ang barikada ng isang eskwelahan.


“Hindi po tayo sigurado kung ito po yung mga tinatawag na pixelized uniform po ng PNP or yung camouflage po ng Armed Forces of the Philippines kaya nga po yung pinapakita po natin sa ating mga witness yung mga itsura po ng mga camouflage para matukoy po kung ano po yung mga suot po na ito,” aniya pa.

Samantala, napag-alaman na ninakaw mula sa isang junk na government Isuzu truck ang Red Plate o government plate No. SFN-713 na pag aari ng Nueva Vizcaya State University na ikinabit naman sa putting Mitsubishi Adventure sport.

Kasalukuyang hinahanap na ang ginamit na getaway vehicle ng mga suspek na napaulat na namataan sa Barangay Uddiawan, Solano Nueva Vizcaya. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Philippine National Police

You May Also Like

Most Read