Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Communications Office Ad Interim Secretary Jay Ruiz hinggil sa memorandum na nag-uutos sa lahat ng presidential appointees sa mga ahensya, tanggapan at burukrasya sa ilalim ng PCO na magsumite ng kanilang ‘unqualified courtesy resignations.’
”Usually, ganoon naman talaga considering all presidential appointees here di ba… para lang kumbaga siyempre free hand sa pagpili ng ating mga kasama… Mahirap din po kasi syempre dapat pagkakatiwalaan mo kasi kung di mo kasama, di mo naman sila kilala, of course, as secretary dapat dalhin mo rin ‘yung sarili mong tao,” ani Ruiz.
Napag-alaman na mismong si Executive Secretary Lucas Bersamin ang nagpalabas ng memorandum, kasunod ng pahayag na ang nasabing hakbang ay naglalayong pahintulutan at bigyan ang bagong itinalagang kalihim ng PCO ng ‘free hand’ sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin at mga patakaran.
Ayon sa memorandum, ang lahat ng mga apektadong appointees ay dapat na magsumite ng kanilang resignation letter sa PCO secretary nang di lalagpas sa Pebrero 28, 2025 kung saan tatagal ng hanggang tatlong linggo ang gagawing assessment sa mga departamento na nasa pangangasiwa ng PCO.
“Sa akin lang siyempre, walang personalan, marami po kasing tatamaan… maraming posibleng tamaan… siyempre aassess natin kung ano ‘yung ginawa nila, ng bawat opisina, proper evaluation,” paliwanag naman ni Ruiz.
Nanumpa naman si Ruiz bilang bagong hepe ng PCO noong nakaraang linggo at mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang nangasiwa ng panunumpa sa tungkulin ni Ruiz.
Magugunitang hinalinhan ni Ruiz si Cesar Chavez na nagbitiw sa tungkulin matapos na aminin na siya ay: “fallen short of what was expected of him.”
Samantala, nasa proseso na rin umano si Sec Ruiz para mag-divest ng shares or interest ang anumang kumpanya na pag-aari niya within 60 days mula nang siya ay nag-assume ng position para maiwasan ang anumang ‘conflict of Interest’.