WALANG IBANG DAPAT SISIHIN KUNG HINDI CPP-NPA

By: Victor Baldemor Ruiz

ITO ang pahayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagkamatay ng isang University of the Philippine graduate sa naganap na sagupaan sa pagitan ng military at communist New People’s Army armed terrorist sa Kabankalan City.

Ayon sa NTF-ELCAC, ang pagkamatay ni Jhon Isidor “Dee” Supelanas, isang alumna ng UP Cebu at dating tagapagsalita ng Kabataan Partylist sa Cebu, sa nangyaring armadong engkwentro ay isang trahedya at marahas na bunga ng sistematikong pagre-recruit ng Communist Party of the Philippines sa mga kabataan at estudyante at linlangin ang mga ito tungo sa armadong pakikibaka ng NPA sa pagtatangkang mapalakas ang kanilang humihinang puwersa.

Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres, Jr., hindi na maaaring itanggi o iwasan ng Kabataan Partylist ang katotohanang ito.


“Si Supelanas ay hindi ang una—at sa kasamaang-palad, marahil ay hindi rin ang huli—na miyembro nila na inalayan ng landas na humantong sa dahas. Ang pagluluksa sa isang kabataang may magandang kinabukasan tulad ni Supelanas, habang patuloy na isinusulong ang isang ideolohiyang nag-uudyok ng radikalisasyon at pagrerekrut ng kabataan sa armadong pakikibaka, ay hindi lang isang anyo ng pagkukunwari kundi isang pagtataksil sa mga kabataang sinasabi nilang kanilang kinakatawan,” pahayag ni USEC Torres.

“Ang mga pahayag mula sa tinatawag na mga ligal na demokratikong organisasyon ay pinalalabas na ang pagkamatay ni Supelanas ay bunga ng “state-sponsored terrorism,” kasabay ng panawagang paigtingin ang “people’s war” at pagbibigay parangal sa NPA bilang “freedom fighters. Ang ganitong anyo ng double talk ay nakagawian na ng mga grupong kabataan sa ilalim ng Kabataan Partylist,” dagdag pa niya.


Kinokondena nila ang trahedya ng armadong tunggalian, ngunit patuloy na sinusuportahan ang mismong ideolohiyang nagpapalawig nito, dagdag pa ni Torres.

Paliwanag pa ng opisyal: palagi nilang sinisigaw ang “red-tagging,” ngunit sa parehong hininga ay nananawagan ng pag-usad ng “people’s war” at pinupuri ang pagkamatay ng kanilang mga kasamahan na sumapi sa NPA. Sinasamantala nila ang lehitimong mga hinaing ng mga marginalized sectors, lalo na ng kabataan, at ginagamit ang idealismo ng mga ito upang maisulong ang marahas na agenda.”


“Ang katotohanang si Supelanas ay dating estudyante ng University of the Philippines Cebu ay muling nagpapatingkad sa matagal nang usapin na walang pagrerekrut ng NPA sa mga pamantasan. Ngunit ilang beses na itong pinasinungalingan ng mga salaysay ng mga dating rebelde at ng mga naulilang pamilya. Hindi ang mga pamantasan ang kalaban—kundi ang CPP-NPA-NDF na sinadyang sumisingit sa mga kampus upang pagtuunan ng kanilang rekrutment ang mga idealistikong estudyante,” ani Torres.

“Nanawagan kami sa mga kabataan na tahakin ang tunay na aktibismong nagtataguyod ng nation-building at tumatanggi sa armadong pakikibaka at marahas na ekstremismo ng CPP-NPA-NDF. Maging mapagmatyag sa dobleng pananalita ng mga grupong nag-aangking para sa karapatan ninyo. Tandaan na habang tinutuligsa nila ang ROTC o ang presensya ng mga tagapagpanatili ng kaayusan sa mga kampus, wala naman silang pagtutol sa pagbibida ng walang saysay na pagkamatay ng kanilang mga miyembrong naakit sa NPA, “ anang opisyal.

Patuloy umano silang makikipagtulungan sa mga komunidad, pamantasan, guro at lider-kabataan upang wakasan ang armadong tunggaliang komunista, ibunyag ang mga network ng pagre-recruit at protektahan ang kabataan mula sa pagiging biktima ng huwad na rebolusyon.#

Ayon pa kay Torres, muling pinagtibay ng NTF-ELCAC ang pagsuporta nito sa makabuluhang aktibismo at sa mandato nitong labanan ang panlilinlang at pagsasamantala.

Tags: National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)

You May Also Like

Most Read