INIHAYAG ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na walang dengue outbreak sa Maynila.
Kaugnay niyan ay kaagad ring ipinag-utos ng alkalde ang pagpapaigting sa preventive measures para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod, na maaaring mauwi sa outbreak ng sakit.
“Dahil daig ng maagap ang masipag, inatasan ko na po ang Manila Health Department (MHD), ang mga barangay officials, at ang mga ospital sa Maynila para paigtingin pa ang preventive measures kontra dengue,” ani Lacuna.
Inatasan rin ni Lacuna ang MHD at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na magpakalat ng karagdagang anti-mosquito larvae (larvicide) kits sa mga barangays kung saan may nakitang pagtaas ng kaso ng dengue.
Ayon sa Dengue Surveillance Report ng MHD, ang fatality rate ng dengue ay nasa 0.62%, at ang attack rate ay 7.18 lamang.
Ang attack rate na 10 to 100 per 10,000 population ay ikinukunsiderang mataas partikular na sa isang populated area.
Mula naman sa 897 na barangay sa Lungsod ng Maynila, 25 na barangay lang ang nakitaan ng clustering o pagdami ng mga kaso ng dengue at karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay nasa edad 5 hanggang 39.
Napag-alamang pinakamarami umanong kaso ng dengue sa District 1, 5, at 6, habang mayroon ring apat ang naiulat na namatay at tatlo sa kanila ay nakatira sa District 3.
Umabot naman sa 51 barangay ang kailangang mapa-misting hanggang noong Pebrero 14.
Sinabi ni Lacuna na bagamat ligtas sa ngayon ang lungsod laban sa dengue ay hindi pa rin sila magpapabaya at patuloy ang pagsasagawa ng mga kaukulang aksiyon ng lungsod laban dito.
“Ligtas sa ngayon ang buong lungsod sa panganib ng dengue, ngunit hindi tayo nagpapaka-kampante. Bagkus, daragdagan pa nga natin ang mga supply ng gamot at vitamins sa mga health centers at super health centers, upang mapalakas ang resistensya ng mga residente,” ani Lacuna.
“Ibinilin ko sa mga health center personnel, barangay health workers, nutrition scholars, at sanitation specialists na kasama dapat sa search-and-destroy kontra lamok ang mga gulong sa ibabaw ng bunonh at mga lalagyan ng mga halaman. Diyan kasi naiipon ang mga tubig ulan at notoryus na pinangingitlugan ang mga dengue-carrying mosquitoes,” dagdag pa nito.