HINDI palalagpasin ng Department of National Defense kung sinuman ang may pakulo sa likod ng pagbaligtad ng dalawang student environmental activist na inakusahan pa ang militar na responsable sa pagdukot sa kanila.
Tahasan namang tiniyak kahapon ni Philippine Army chief Lt. Gen Roy Galido na walang “blunder” na naganap sa kanilang hanay kaugnay ng biglang pagbaligtad nina Jhed Tamano at Jonila Castro na kapwa nagsasabing mga environmental activist sila.
Taliwas ito sa ilang dokumentong nakalap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na isa sa kanila ang apat na taong ng nakapaloob sa kilusan (CPP-NPA-NDF) at umanib sa hukbo.
Paliwanag ni NTF-ELCAC Undersecretary Jun Torres, pag sinabing kilusan, ibig sabihin ay CPP-NPA-NDF at kung hukbo ay nangangahulugan ito ng pagsanib sa NPA o paghawak ng armas.
Ayon kay General Galido, ang pakiramdam nila ay nalinlang sila, subalit dahil malinis naman ang kanilang intensyon na tumulong lamang ay tiyak na mananaig ang katotohanan.
Nabatid na pinag-aaralan na ng militar o ng NTF-ELCAC ang paghahain ng kaso laban sa dalawang mga aktibista.
“Pahayag pa ni Galido, well we are country of laws, we have rules of law, we have a court here and we felt betrayed that’s why we will file the necessary case and just have to use our laws…,”
Ito ay upang lumitaw din umano ang katotohanan at alamin kung may ugnayan din ang dalawa sa makakaliwang hanay o sa CPP-NPA Terrorist Group.
Kailangan umanong mapatunayan na walang ‘symbiotic relation’ sa pagitan ng radicalism at terorismo na tila pinaglalaruan nina Tamano at Castro.
Magugunitang sa panayam kay Sec. Teodoro ay tahasan nitong sinabi na magsasampa sila ng kasong perjury laban sa dalawang batang environmentalist na sina Tamano at Castro na unang inilbas ng military para ipakitang nasa mabuti silang kalagayan at kusang lumapit sa kasundaluhan upang humingi ng tulong.
Subalit nabigla na lamang ang militar nang bumaliktad ang mga ito at iniba na ang kanilang pahayag na sila ay dinukot ng mga sundalo.