By: JANTZEN ALVIN
Binigyang-linaw ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang namatay sa Pilipinas ang kagawaran dahil sa ‘MPOX.’
Ang paglilinaw ay ginawa ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo kasunod ng ulat na may isang pasyente ng nasabing sakit mula sa Central Visayas ang binawian ng buhay.
Ayon kay Domingo, nananatili pa rin sa apat ang naitatalang kaso ng MPOX sa Pilipinas at wala ring sinuman sa kanila ang namatay dahil sa sakit.
“Walang pasyenteng namatay sa mpox…mula sa anumang rehiyon ng bansa. Sa pinakahuling balik (8 June 2024) mula sa DOH-RITM (Research Institute for Tropical Medicine), ang lahat ng na-test for mpox ay negative ang resulta,” aniya.
Sinabi rin ni Domingo na, “Halos magkahawig ang mga butlig o sintomas ng Chickenpox (bulutong-tubig), Shingles, Herpes at Mpox.”
Samantala, nagpaalala rin siya na huwag basta-basta maniniwala sa mga kumakalat na impormasyon at palagiang hintayin ang opisyal na pahayag ng DOH.#
Payo pa niya, dapat ring iwasang gumamit o maniwala sa mga hindi beripikado impormasyon.