Magandang balita para sa mga guro dahil mismong si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na ang nag-anunsiyo nitong Huwebes na tuluyan na silang tatanggalan ng administrative o non-teaching duties.
Sa presentasyon ng 2024 Basic Education Report sa Sofitel Hotel, Pasay City, sinabi ni Duterte na nakatakdang maglabas ang DepEd ng department order ngayong Enero 26, Biyernes, para sa implementasyon ng bagong direktiba.
Ang corresponding memorandum naman aniya para dito ay inaasahang mailalabas sa susunod na linggo.
Anunsiyo pa ni VP Sara, “Let us bring our teachers back to the classrooms.”
Upang matiyak naman ang epektibong implementasyon nito, sinabi ng bise presidente na pagkakalooban ng DepEd ang mga paaralan ng karagdagang maintenance and other operating expenses (MOEE) upang makakuha ang mga ito ng administrative support staff.
“To ensure its effective implementation along with the filling up of 5,000 administrative personnel for 2023 and another 5,000 administrative personnel for 2024, we will also be providing additional MOOE to hire the necessary administrative support staff,” aniya.
Matatandaang una nang idinaing ng mga guro na halos wala na silang pahinga dahil sa dami ng trabahong iniatang sa kanila, kabilang na rito ang mga administrative duties.