VP Sara et al, pinagko-komento ng SC sa P125-M ‘confidential funds’

By: Jantzen Alvin

Inatasan ng Supreme Court (SC) si Vice President Sara Duterte, Executive Secretary Lucas Bersamin at ang Department of Budget and Management (DBM), sa pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman, na mag-komento sa loob ng 10 araw kaugnay sa petisyon sa P125 milyong ‘confidential funds nito.

Sa inilabas na resolusyon ng SC En Banc, ito ay makaraang aksyunan ng SC ang petisyon na kumukuwestiyon sa alokasyon na P125-milyong ‘confidential funds’ sa tanggapan ng Office of the Vice President, kung saan hiniling na ideklarang ‘unconstitutional’ at ibalik ang pondo sa national treasury.


Gayundin, inatasan ng SC ang petitioners, sa pangunguna ni dating Commission on Elections (Comelec) chairperson Christian Monsod at UP law professor Barry Gutierrez, na magbigay ng electronic copy ng petition at annexes sa loob ng limang araw.

Bilang karagdagan,inatasan rin sila na magsumite ng ‘verified declaration” sa loob ng 24 oras at upang makumpirma na ang electronic copy ay tama, dapat na ito ay may kumpletong nilalaman ng printed documents.

Sa 49-pahinang petisyon, iginiit na ang paglipat ng nabanggit na pondo sa OVP ay nagpapakita ng “usurpation of power of Congress.”

Sa naganap na imbestigasyon ng Kongreso, nabulgar na ang ‘contingent funds’ mula sa 2022 national budget ay nailipat sa OVP na may pag-apruba ng Office of the President (OP) .


Iginiit naman ng Malacanang na inaprubahan ng OP ang pagpapalabas ng pondo para sa isang urgent project alinsunod sa Special Provision No. 1 of the 2022 General Appropriations Act (GAA).

Nilinaw ng Office of the Executive Secretary na inilabas ang pondo alinsunod sa Special Provision No. 1 sa ilalim ng 2022 Contingent Fund, na nagkaloob ng awtoridad sa OP na mag-apruba ng disbursement bilang suporta sa bagong inisyatiba.

Tags: Executive Secretary Lucas Bersamin, Vice President Sara Duterte

You May Also Like

Most Read