VP SARA, AWTORISADONG GUMAMIT NG PRESIDENTIAL CHOPPER — PAF

NILINAW kahapon ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) na awtorisado si Vice President Sara Duterte na gumamit ng presidential helicopter.

Sa ibinigay na pahayag kahapon ni PAF spokesperson Col. Ma Consuelo Castillo, kinumpirma ng Hukbong Panghimpapawid na ang Bell 412 helicopter na ipinaskil ng Bise Presidente sa kanyang social media account ay bahagi ng 250th Presidential Air Wing.


“Base po sa mandato ng Presidential Airlift Wing of the Philippine Air Force, ang mga helicopters po ng 250 ay ginagamit sa mga movement ng ating presidente, ng first family, visiting heads of state and other local and foreign VIPs,” ani Castillo sa isang panayam.

“Ang mga local VIPs na tinutukoy dito ay ang ating mga high government officials and considering that our VP is the second highest leader of the land, nararapat lang po na bigyan natin ng suporta ang mga movements ng ating Vice President lalo na if she is acting or performing her mandate on behalf of the President,” paglilinaw pa ng tagapagsalita.

Ang nasabing pahayag ay bunsod ng mga kumalat na puna na ginagamit ng pangalawang pangulo ang presidential chopper para sa kanyang personal trips.


Tahasang ikinaila ni Castillo ang alegasyon na ginagamit ni Duterte ang 250th Wing helicopter para bisitahin ang kanyang mga anak sa Davao City.

Ito ay makaraang pasalamatan ni VP Sara si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang payagan siyang gamitin ang chopper para makasama ang kanyang pamilya.


“Thank you [President Bongbong] and your 250th [Presidential Airlift Wing] for ensuring that wherever I may be found in the country during the day, I am home in time to tuck my children to bed,” ani Duterte sa kanyang Facebook post, na may kasama pang larawan ng government aircraft.

Umani ito ng puna sa ilang netizens na nagsasabing dapat sa taumbayan na nagbabayad ng buwis ito magpasalamat .


Nilinaw naman ng PAF spokesperson na hindi araw-araw na ginagamit ang presidential helicopter, kasabay ng paliwanag na hindi makatwirang gamitin ang presidential helicopter papuntang Davao dahil aabutin ng kalahating araw ang biyahe.

“Hindi po araw-araw ang paggamit ng ating helicopters, tulad po ng sinabing pag-uwi sa Davao. I presume po ang ina-assume nila is travel from Manila to Davao. I myself [am] a presidential helicopter pilot previously at kung gagamitin po natin ang helicopter from Manila to Davao, it will take almost more than half a day to travel kasi magkakaroon pa ng maraming stops for refueling,” paliwanag pa ni Col Castillo. (VICTOR BALDEMOR)



Tags: Philippine Air Force (PAF)

You May Also Like

Latest News