Nagpasya na ang Commission on Elections (Comelec) en banc na i-award ang vote counting machine contract para sa 2025 National and Local Elections (2025 NLE) sa lone bidder nito.
Ayon sa Comelec, ang procurement project Lease of Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) ay ia-award nila sa Joint Venture na Miru Systems Co. Lt,, Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc..
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na matapos ang isinagawang demonstrasyon ng Miru systems at nang mahabang deliberasyon, nagdesisyon ang Comelec en banc na aprubahan ang rekomendasyon ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) na i-award na ang kontrata sa naturang South Korean firm.
Nabatid na ang kontrata ay nagkakahalaga ng P17,988,878,226.55 at kinabibilangan ng pagrenta ng 110,000 Automated Counting Machines (ACMs), 104,345 na ballot boxes, 2,200 CCS Server/Laptop at Printer, gayundin ng ballot printing, ballot papers at ballot verification.
Anunsiyo pa ni Garcia, “Kahapon nang hapon (Miyerkules) after ng napakahabang deliberasyon ng Commission en banc at matapos rin naming makita, nakapag-demo sa amin ang Miru System, ‘yung kanilang makina, base sa kanilang pinapakita sa atin at saka sa terms of reference, ay nag desisyon ang Commission en banc, unanimous po kami, in-adopt namin ang recommendation ng aming Special Bids and Awards Committee at ‘yung findings ng TWG amin din pong in-adopt at sinasabi na dapat maibigay ang award sa Miru Systems at kanyang joint venture na kumpanya.”
Matatandaang ang Miru ay una nang idineklarang eligible para sa financial bid ng SBAC, base na rin sa rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG) sa isinagawang Competitive Public Bidding para sa Procurement Project noong Enero 8, 2024.
Noong Pebrero 7, 2024 naman, idineklara rin ang naturang joint venture na post-qualified ng SBAC matapos na sumailalim sa Post-qualification evaluation ng TWG.
Noon namang Pebrero 13, 2024, idineklara ng SBAC-Automated Elections System (AES) ang Miru bilang bidder na may Single Calculated and Responsive Bid sa inilabas nitong Resolution No. 3.
“With the recommendation from both the TWG and the SBAC-AES, the Commission En Banc decided to put forth the demonstration of the voting machines before deciding to award the contract to Miru. This is to ensure that the process will be transparent, accountable and inclusive,” anang poll body.