NAGPAHAYAG ng pasaasalamat sa mga taga-lungsod si Vice Mayor Yul Servo sa pagkakataong ibinigay na makapaglingkod silang dalawa ni Mayor Honey Lacuna bilang alkalde at bise-alkalde ng Maynila sa loob ng tatlong taon.
Sinabi ito ni Servo nang kanyang pangunahan ang regular flagraising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes at doon ay ipinagmalaki na din niya na sa kanyang termino bilang Presiding Officer ng Manila City Council ay nalikha ang isang website kung saan matatagpuan ang di bababa sa 9,000 ordinansa ng lungsod.
Nagpasalamat si Servo sa mga residente, opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan at maging sa kanyang mga empleyado sa suporta na ibinigay nila sa kanya at kay Lacuna at sa mga nakalipas na taon.
Ang pagkakalikha umano ng Manila City Council website sa ilalim ng kanyang liderato sa Konseho ay naganap sa tulong na din at sipag ng kanyang mga tauhan.
Aniya, sa pamamagitan ng Council Code of General References ay mas madali na ngayong mahanap ng sinumang may kailangan ang mga lokal na batas sa lungsod.
Partikular din umanong makikinabang sa nasabing website ang mga barangay officials, pulisya judges at prosecutors, na kadalasang gumagamit ng mga ordinansa ng lungsod kaugnay ng kanilang trabaho.
Sa kanyang maikling mensahe ay nanawagan na din si Servo sa mga kawani na ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyong may ngiti sa mga nagtutungo sa kanilang tanggapan upang humingi ng tulong.
Inihalintulad niya ang mga lingkod-bayan sa mga doktor na nakukuhang maibsan ang mabigat na dinaramdam ng isang tao sa oras na mapakitaan ito ng ngiti at maayos na pakikitungo.
“‘Wag sana mawala sa atin ang kusang pagtulong dahil di naman sila pupunta sa atin kung hindi nila kailangan ng tulong. Ngitian agad natin sila para mapawi ang lungkot,” pahayag pa ni Servo.














