INILIPAT na ang TV host na si Vhong Navarro, na inakusahan ng rape ng modelong si Deniece Milinette Cornejo, mula sa National Bureau of Investigation (NBI) Detention Center patungo sa kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig Lunes ng hapon.
“Pagkatapos ng lahat ng kinakailangang health protocols, inilipat na si Vhong Navarro sa BJMP sa Taguig City bandang alas-4 ng hapon ngayong hapon (Lunes),” ayon sa pahayag ng NBI Public Information Office.
Ang paglipat kay Navarro ay bunsod ng paglalabas ng Taguig City Regional Trial Court ng commitment order para kay Navarro o Ferdinand H. Navarro sa totoong buhay.
Noong Setyembre 19, 2022 ay sumuko si Navarro sa NBI kasunod ng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Si Judge Loralei Datahan ng Branch 69 ay nagrekomenda na walang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Navarro.
Sa isang resolusyo na inilabas noong Setyembre 20, tinanggihan din ng Court of Appeals (CA) 14th Division ang mga mosyon para sa muling pagpapalabas ng isang status quo ante order ng kampo ni Navarro.














