NANINIWALA ang Department Interior and Local Governments at maging ang pamunuan ng Philippine National Police na mapapasimulan na ang vetting process nang itatag na 5 man panel na susuri sa record ng mahigit 950 PNP 3rd level officer na naghain na ng kanilang courtesy resignation.
Sa tala ng PNP nasa 24 pang 3rd level officials ang hindi pa nakakapag sumite ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., dalawa sa mga ito ay kapwa heneral at limang koronel na magreretiro ngayong 1st quarter ng taon.
Subalit naniniwala si Azurin, na tutugon pa rin ang mga ito bago ang January 31 deadline sa paghahain ng courtesy resignation.
Ikinalugod ni Gen Azurin ang positibong tugon ng 97 porsyento ng 3rd level officers ng PNP sa panawagan na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Azurin, pagpapakita lamang ito ng katapangan ng mga koronel at heneral na kumasa sa hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos Jr., na linisin ang hanay ng Pambansang Pulisya partikular sa iligal na droga.
Kasunod nito, nananawagan si Azurin sa nalalabi pang tatlong porsyento ng 3rd level officers na magsumite na rin ng kanilang courtesy resignation.
Umaasa naman ang DILG na matatapos nila ang kanilang internal cleansing sa hanay ng kapulisan sa loob ng tatlong buwan.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, kahit na nagretiro na ang isang opisyal ay tuloy pa rin ang kanilang case build up kung makikitang may basehan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Nabatid na kasalukuyang binubuo na ng DILG ang kanilang 5-man committee na magsisiyasat sa mga PNP senior officers na maaaring may kaugnayan sa kalakaran ng iligal na droga.
Samantala, may mga nangangamba umanong ilang opsiyal na baka magkamali sa pag-eevaluate at pag-assess ang binuong 5-man panel at imbes na sila ay malinis ay madungisan pa ang kanilang pangalan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














