Patay nang barilin sa ulo habang natutulog ang isang 36- anyos na vendor kahapon ng madaling araw sa may Mc Arthur Bridge sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa Manila Police District -homicide section ang biktima ay nakilalang si Lloyd Fernandez, vendor sa nasabing lugar.
Naganap umano ang pamamaril alas- 4:38 ng madaling araw. Natutulog umano ang biktima nang lapitan ng nag-iisang suspek na nakasakay sa motorsiklo at saka ito binaril sa ulo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang bumaril sa biktima at kung ano ang motibo, bagama’t tinitingnang anggulo ng pulisya ang ginawang pagtestigo ng biktima sa isang kasong may kinalaman sa iligal na droga.