INIHAIN ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1552 na naglalayong ibaba ang Value-added Tax (VAT) mula 12% patungong 10%.
Ayon kay Tulfo, ang pagbabawas ng VAT ay “agarang magpapataas sa kakayahan ng mga Pilipino na bumili ng mga produkto sa merkado, na sa huli ay magpapalakas sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.”
Aniya, nananatiling pangunahing suliranin ng mga Pilipino ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin: “Tayo ang isa sa may pinakamataas na VAT sa buong Southeast Asia at mabigat na pasanin ito para sa mga pamilyang low at middle-income. Malaking bahagi ng kanilang kinikita ang napupunta sa buwis sa halip na ipambili ng iba pa nilang pangangailangan.”
Binigyang-diin pa ng Senador na sa kasalukuyan, ang Pilipinas at Indonesia ang may pinakamataas na VAT sa rehiyon na nasa 12%. Sinusundan ito ng Cambodia, Vietnam, at Laos (10%), Singapore (9%), Thailand at Laos (7%), Myanmar (5% Commercial Tax) at Timor-Leste (2.5% Sales Tax).
Ani Sen. Erwin, “Ang VAT Reduction Bill ay hindi lamang magpapagaan sa pasanin ng mga karaniwang Pilipino, kundi gagawin din nitong mas competitive ang ating bansa kumpara sa ating mga karatit-bansa sa SEA.”
Binanggit pa ng Senador na upang matiyak ang fiscal disciplineay may nakapaloob na safeguard sa kanyang panukala.
Binibigyan umano nito ng kapangyarihan ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Secretary of Finance, na pansamantalang ibalik sa 12% ang VAT kung sakaling lumagpas ang national deficit sa itinakdang target ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Matatandaang naghain din noon si Senador Erwin Tulfo ng panukala para sa isang buwang ‘tax holiday’ bilang paraan ng pagbabalik ng pera sa mga Pilipino sa gitna ng mga isyu ng korapsyon.
“Ang pagbabawas ng VAT ay hindi lamang para sa iilang sektor, kundi para sa lahat—anuman ang antas mo sa buhay. Filipinos deserve better so we should give them more,” pagdedeklara pa ni Sen. Erwin.














