Latest News

Vaccination rollout sa mga LGU tuloy kahit abala na sa kampanya mga kandidato

MANANATILING bukas ang mga vaccination site para sa COVID vaccine ng mga hindi pa nabakunanang mamamayan kahit pa abala na ang mga lokal na pamahalaan sa pangangampanya.

Ito ang inihayag sa Laging Handa ni Department of Interior Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III kaugnay sa patuloy na vaccination rollout ng gobyerno para mabigyan ng proteksiyon ang publiko laban sa COVID-19.

Ayon kay Densing, walang isasara na mga bakunahan lalo na sa mga probinsiya dahil mahalagang mabakunahan lahat ang mga hindi pa nakakatanggap ng COVID vaccine.

Nakausap na aniya ng DILG ang mga local health official para tuloy-tuloy ang pagbakuna kahit pa abala na ang mga lokal na kandidato sa pangangampanya para sa darating na eleksiyon.

“Isa sa napagkasunduan namin ay ituloy pa rin ang vaccination sites, walang isasara at kung wala ang local chief executive dahil nangangampanya, kausap naman namin ang local health officials para tuloy-tuloy pa rin ang pagbabakuna sa mga lugar sa buong Pilipinas,” ani Densing.

May mga probinsiya pa aniya na mababa pa ang bilang ng mga nabigyan ng booster shot, lalo na sa BangsaMoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kaya ito ang tututukan ng gobyerno para magkaroon ng proteksiyon ang mamamayan laban sa COVID-19.

Bukod sa booster shots ani Densing ay marami pa ring hindi nakatanggap ng primary dose ng COVID vaccine sa BARMM kaya gumagawa na sila ng istratehiya para mahikayat ang mga mamamayang tumatangging magpabakuna laban sa COVID-19.

“Yung ating mga probinsiya mababa pa, lalo na sa BARMM at ito ang mga lugar na dapat tutukan at kumbinsihin na magpabakuna.Hindi lamang booster sa BARMM ang mababa, pati iyong primary shots kailangan pa rin,” dagdag ni Densing.

Tags:

You May Also Like

Most Read