NASA Pilipinas ngayon si US Defense Secretary Lloyd Austin para muling makipag-gnayan sa matataas na pinuno ng bansa partikular sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines, sa kanyang ikalawang pagbisita sa bansa.
Kahapon ay nagtungo si Sec. Austin sa Mindanao para makipag-talakayan kina AFP chief General Andres Centino at AFP Western Command chief LtGen. Roy Galido.
Walang ibinigay na detalye ang AFP maging ang US Embassy hinggil sa naging dahilan ng pagbisita ng Pentagon chief sa Mindanao, liban lamang sa pagbisita sa mga tauhan ng US Joint Special Operation Command na naka-base sa Zamboanga na nagtapos na ang anim na buwang tour of duty at nakatakdang palitan ng panibagong puwersang bubuo sa JSOT.
Sa matipid na pahayag ni LtGen. Galido ay sinabi nitong tiniyak lang ni Austin ang suporta sa AFP sa pagsugpo sa terorismo.
“Wala, they are here to help us in our mission especially in counter terrorism and Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR),” aniya .
Nilinaw ng heneral na ang pagbisita sa kanila ni Austin ay bahagi lamang ng umiiral na mutual defense agreement at mekanismo ng working relationship with US forces at ng AFP .
Kabilang sa nakaharap ni Sec Austin sa WESTMINCOM bukod kina Gen.Centino at LtGen Galido sina Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Adm. Toribio Adaci at ang Senior Philippine Air Force Officers.
Dumating si Austin Martes ng gabi ayon sa ibinahaging impormasyon ni US Ambassador Mary Kay Carlson.
Una nang inihayag ni Pentagon press secretary Pat Ryder na ang pagbisita ni US DOD Secretary ay upang isulong pa ang kanilang: “deep commitment to working in concert with allies and partners to chart our shared vision to preserve a free and open Indo-Pacific.”
Si Austin ay bumisita sa Pilipinas sa gitna ng nagaganap na tension sa pagitan ng Beijing at Manila bunsod ng umiiral na maritime and territorial dispute sa South China Sea.
Magugunitang tahasang tinuligsa ng Pentagon ang ipinakitang asal ng China sa pinag- aagawang teritoryo sa South China Sea, kung saan ang China ay may overlapping claims sa ilang bansa sa bahagi ng Asya,
“It has no basis in international law,” ayon sa Pentagon official na unang bumisita sa bansa noong July 2021 para sa high-level meetings hinggil sa security issues sa nasabing rehiyon. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














