WALA pang inilalabas na pahayag hanggang kahapon ng tanghali ang United States Embassy in Manila hinggil sa isang eroplano ng US Navy na nag-emergency landing sa Balesin island sa Polillo, Quezon noong Sabado.
Ayon sa ulat ng Polillo Municipal Police Station (MPS), pasado alas-12 ng tanghali nang mag-emergency landing ang eroplano na may tail no. 9452 ng U.S Navy sa airstrip ng Balesin Island.
Ligtas naman ang apat na sakay ng eroplano na kinabibilangan ng piloto, co-pilot at dalawang crew.
Sinasabing bandang alas-5:30 ng hapon ay dumating ang dalawa pang eroplano ng U.S. Navy mula sa Subic airport para siyasatin ang nasirang eroplano.
Nanatili ang dalawang eroplano hanggang Sabado ng gabi habang naiwan pa ang nagka-problemang Navy plane.
Hindi naman tinukoy kung saan patungo at kung saan galing ang eroplano na nag-emergency landing.
Base sa report na nakarating sa Police Regional Office (PRO-IVA) at AFP-Southern Luzon Command, ang nasabing aircraft ay kinalululanan ng pilotong sina US Navy officer Cooper Grever at co-pilot nitong si Madeline Mattingly habang ang mga crew naman ay sina US Navy personnel Joseph Schul at Galluin Small.
Naramdaman umano ng mga piloto na may diperensya ang kanilang eroplano habang lumilipad malapit sa Polillo at dahil dito, napilitang mag-emergency landing sa nasabing isla ang nasabing aircraft.
Samantala, bandang alas-9 ng gabi nitong Sabado nang ganap na makumpuni ang nasiraang US Navy aircraft.














