URBAN AT VERTICAL FARMING SINUSULONG

By: Victor Baldemor Ruiz

ISINUSULONG ngayon ng ilang eksperto sa agrikultura ang pagsasaka sa kalunsuran o Urban farming upang matugunan ang food security at iba pang mga isyu sa produksyon ng pagkain sa Pilipinas.

Para sa Kagawaran ng Agrikultura, mahalaga para sa mga komunidad na tumutok din sa pagsasaka sa kalunsuran bilang isang sistema ng produksyon ng pagkain sa bawat barangay.


Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery and Café ay inihayag ni dating Agriculture Secretary William Dar na ang pag-institutionalize ng urban agriculture ay maaaring makatugon sa mga problema sa presyo ng pagkain dahil aalisin nito ang ilang yugto sa food value chain gaya ng logistics.

“Mayroon kang mga problema sa pagdadala ng mga prutas at gulay na ito mula sa malalayong probinsya, kaya ito ang pinakamabuting pamamaraan kung bubuo tayo ng mga gulayan at prutas sa paligid… Ikaw ang pinakamalapit kung saan naroroon ang demand,” sabi ni Dar.

Ibinigay ding halimbawa ang naranasang kakulangan at napakamahal na presyo ng sibuyas ay maaring matugunan ng vertical farming. Ang pagsasaka sa lunsod ay magiging isang pagkakataon din para sa mga magsasaka na maging matatag sa epekto ng pabago bagong klima ayon kay International Association for Vertical Farming Vice Chairman Joel Cuello.


“We are living in the era of climate change… Some farmers in Bukidnon were growing traditionally high-value crops outdoors and now they are no longer able to do that because of the precipitation… They have to be able to do what they used to do for many years inside a rudimentary greenhouse that is in a controlled environment,” sabi pa ni Cuello.

Subalit nabatid na may mga balakid din sa nasabing programa ayon kay Dar,. Para umano maging sustainable business venture ang urban farming, sinabi ng dating kalihim na kailangang magkaroon ng pagbabago sa mindset sa pagkonsumo ng gulay ng mga Pilipino.


Aniya, ang mga Pilipino ay kumokonsumo lamang ng humigit-kumulang 60 kilo ng gulay kada taon, mas mababa kumpara sa taunang average na 100 kilo sa ibang mga bansa.

Sinabi ni Dar na ito ay isang hamon sa pag-imbita sa pribadong sektor na mamuhunan sa pagsasaka sa kalunsuran.


Ang Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. President Cecilio Pedro ay sumang-ayon na ang urban farming ay maaaring maging sustainable kung may potensyal para sa profitability na tumaas ang demand para sa mga produktong pang-agrikultura.

“Ano ang tinatahak natin? Seguridad ng pagkain. Yong kinakain natin dapat local… Kaming mga negosyante, we are willing to invest as long as we can see that it is going to be profitable in the future. At the end of the day, it’s about making profit so we can sustain the operation,” pahayag pa ni Pedro.

Nilinaw naman ni DA-Bureau of Plant Industry Director Glenn Panganiban na ang urban planning ay hindi nilalayong palitan ang tradisyunal na pagsasaka kundi para dagdagan ito.



“We want to upscale, if not upscale [then] engage the private sector… We know na hindi ‘yon kaagad magagawa so we want to have demo farms, businesses sharing best practices and really, meron bang future dito? …It’s the demand of the market that can sustain. If we have that upscale production systems, we can produce and complement. ‘Yon ‘yong goal ng programa,” paliwanag ni Panganiban.

Tags: Agriculture Secretary William Dar

You May Also Like

Most Read