Ni tchie G. Cabayan
ISANG bomb threat ang tinanggap kahapon ng umaga ng UP-Philippine General Hospital (UP-PGH), dahilan upang magkaroon ng bahagyang tensiyon sa nasabing lugar.
Napag-alaman na dakong 9:30 ng umaga nang makatanggap ang Manila Police District-District Explosive and Canine Unit (MPD-DECU) ng tawag kaugnay sa isang bomb threat na natanggap diumano ng isang Nico De Leon, programmer ng UP Manila PGH sa Ermita, Maynila.
Nagmula sa email ang pananakot — 12345@gmail.com— kung saan nakasaad: “ANG LUGAR NA ITO AY PUGAD NG NPA SA MAYNILA. AKSYA SA PONDO NG BAYAN. MGA BATANG PURO NGAWA ANG AMBAG SA LIPUNAN. PINAPAARAL NGAYON PARA LANG MAGING TRAYDOR SA GOBYERNO KINABUKASAN! NGAYONG ARAW SASABOG… ANG MENSAHE NG MGA TUNAY NA PILIPINO. WALANG LUGAR SA BAYANG ITO ANG TERORISTA!!! DAPAT PINUPUKSA ANG TERORISMO!!!”
Diumano, ang naturang e-mail ay ipinadala ni De Leon sa grouo chat at sa Office of the Councilor for information na siya namang tumawag sa MPD Headquarters.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng MPD-SWAT at iba pa, para magsagawa ng inspeksyon sa bisinidad ng UP-PGH.
Gayunman, habang nag-iinspeksiyon ang.mga tauhan ng MPD ay isa namamg doktora sa nabanggit na pagamutan ang nakatanggap diumano ng mensahe na: “NAKAPASOK NA PASABOG SA LOOB NG PGH.”
Dakong ala-1:30 na ng hapon nang ideklarang negatibo sa bomba ang UP-PGH at bisinidad nito.














