Kinumpirma ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang ‘unsafe sex’ ang siyang pangunahing sanhi ng hawahan ng HIV virus sa buong mundo, kaugnay ng ng ulat na mayroong 86 na kabataan ang na-diagnose na may HIV nito lamang buwan ng Enero.
“Most common cause ng HIV dito sa ating bansa and even around the world is unsafe sex. So, kapag sinabi nating unsafe sex, ang ating preventive measure is to always have safe sex,” ayon pa kay Vergeire.
Aniya, ang paggamit ng condoms at pagbubunyag ng ‘sexual history’ ng isang tao ay kabilang sa mga paraan upang maiwasan ang hawahan ng HIV.
Kaugnay nito, hinimok ni Vergeire ang publiko na kaagad na magpasuri sakaling may panganib na nahawahan sila ng naturang karamdaman upang matutunan ang mga treatment options na available sa ngayon.
Binigyang-diin pa ni Vergeire na ang HIV ay hindi na death sentence ngayon, gaya ng iniisip ng mga tao noong araw.
Aniya, bagamat hindi nagagamot ang pasyente, nakakatulong naman ang mga iniinom nilang gamot upang mapanatili ang isang prodaktibong pamumuhay sa matagal na matagal na panahon.
“Hindi na po death sentence ngayon ang HIV katulad nung araw na iniisip ng mga tao,” aniya.
“Hindi kayo nagagamot pero ‘yung gamot na iniinom niyo po can maintain and sustain your life and you become productive hanggang sa matagal na matagal na panahon,” dagdag pa nito. (Anthony Quindoy)