ISANG araw bago ang official visit ni United States Vice President Kamala Harris sa Palawan fronting West Philippine Sea ay pumutok ang insidenteng puwersahang kinuha ng isang Chinese Coast Guard Vessel ang na-retrieve at hila- hilang ‘unidentified floating object’ ng Philippine Navy pabalik na sa kanilang naval base.
Kaugnay nito ay opisyal nang ini-report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command sa National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang nangyaring insidente sa Pag-Asa Island kahapon sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard.
Ayon kay AFP Wescom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, iniulat nila ito para magawan ng karampatang aksyon ng NTF-WPS ang ginawang pwersahang pagkuha ng Chinese Coast Guard sa nakuhang unidentified object ng Philippine Navy sa may Cay 1 Sandbar.
Una dito, narekober ng Philippine Navy ang floating object na may 800 metro ang layo mula sa Pag-Asa Island at hinila pabalik sa Naval Station Emilio Liwanag nang bigla na lamang harangin ng Chinese Coast Guard Vessel ng dalawang beses ang rigid hull inflatable boat ng navy na tumatahak sa kanilang plotted destination.
Bigla din itong nagpalabas ng kanilang rigid hull inflatable boat at dinikitan ang RHIB ng Philippine Navy habang nagsasalita nang pasigaw at saka puwersahang pinutol ang taling nakakabit sa hinihiilang bagay ng Philippine Navy.
Samantala, iniulat din ni Carlos na walang nasaktan sa kanilang mga tauhan dahil ipinatupad nila ang maximum tolerance upang makaiwas na lumala ang tensyon at magkaroon ng ‘miscalculation’.
Ayon sa Wescom, batid ng Philippine Coast Guard ang insidente dahil nasa observation area sila nang maglayag ang navy papunta sa kinaroonan ng nasabing bagay,
Naniniwala rin ang WESCOM na may kuha ding larawan ang Coast Guard ng Pilipinas sa insidente dahil may mga high-powered camera din sila. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














