MANANATILING nasa Full Alert Status ang buong hanay ng Pambansang Pulisya hanggang Martes, November 3 ng alas-12:01 ng umaga, kahit tapos na ang paggunita ng sambayanang Pilipino ng Todos Los Santos.
Una nang nagdagdag ang PNP ng mga personnel na idineploy nitong Undas, mula sa 141,172 na personnel na naging 166,365 ayon sa Philippine National Police (PNP).
Binubuo ang nasabing bilang ng 78,952 na mga pulis kasama ang 20,837 personnel mula sa ibang units sa AFP, BFP, PCG at iba pa at 67,524 na force multipliers.
Inatasan ang mga security personnel na tumutok sa seguridad sa mga sementeryo, columbaria, mga police assistance desk, sa mga bahay sambahan, places of convergence, pangunahing daanan, mg mall at shopping center, kabilang ang mga transportation hubs, tourist destinations at mga checkpoints.
Paliwanag ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez, Jr., ang pagtaas ng deployment ay nagpapakita ng patuloy na assessment ng PNP sa galaw ng publiko at sa pangagailangan ng mga nakaposisyong personnel para sa kanilang presensya, magbigay seguridad at tulong sa mga nangangailangan.
Nananatili naman nasa Full Alert Status ang buong hanay ng Pambansang Pulis lalo na sa Metro Manila na may ilang malalaking sementeryo na dinagsa ng nasa mahigit 2 million.
Masasabi umanong ‘generally peaceful’ ang pag-alala ng publiko sa mga namayapang mahal sa buhay .
Ayon kay NCRPO Spokesperson Lt. Col. Hazel Asilo, sa Metro Manila ay mapayapa ang naging takbo ng Undas at walang naitalang seryosong aberya o untoward incident maliban lamang sa isang kasong may kinalaman sa Safe Spaces Act na kinasangkutan ng isang menor de edad sa loob ng sementeryo.
Wala rin umanong naitalang krimen gaya ng pandurukot at wala ring na-monitor na anumang banta bago at habang ipinagdiriwang ang Undas.
Dagdag pa ni Asilo, nanguna pa rin ang Manila North Cemetery sa may pinakamataas na bilang ng mga dumayong indibidwal sa mga nakaraang araw.














