Latest News

Unang ‘Purokalusugan Program’ ng DOH sa Dagupan City, inumpisahan na

By: Jaymel Manuel

Sinimulan na nitong Huwebes, Agosto 1, ang kauna-unahang “PuroKalusugan Program” ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region sa Dagupan City, Pangasinan upang direktang makapaghatid ng healthcare services sa mga residente ng komunidad.
Ang programa ay inilunsad ng DOH sa East Central Elementary School sa Mayombo District, kung saan umaabot sa 445 residente ng apat na kinabibilangan na Purok, na kinabibilangan ng Highlander, Insider, Babasit, at Kamanggan, ang napagsilbihan.

“This is the closest we can bring our government’s healthcare services, directly to the people of the community. And this is one of our government’s thrusts na ang bawat Pilipino ay ramdam ang kalusugan at makapagbigay ng ligtas, dekalidad, at mapagkalingang serbisyo sa lahat,” ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, na siyang nanguna sa aktibidad.

“We are conducting the PuroKalusugan also to celebrate nutrition month and to ensure the health and nutrition of residents in the community. Bigyang halaga po natin ang tama at wastong pagkain at ang pagkakaroon ng balanseng nutrisyon upang maging malakas ang ating pangangatawan,” aniya pa.


Idinagdag pa ni Sydiongco na ang PuroKalusugan program ay hindi lamang naghahatid ng healthcare services sa komunidad, kundi nagtuturo rin sa mga residente na maging physically active, sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, pag-iwas sa drugs at alcohol, makakuha ng sapat na pahinga at mag-praktis ng healthy lifestyle.

Nabatid na ang PuroKalusugan programs ay nagkakaloob ng nutrition services, immunization, oral health, family planning; screening services para sa TB, HIV, PhilPen, cervical at breast cancer.

Bukod dito, ang mga residente, kabilang na ang barangay health workers, ay pinagkalooban rin ng Information, Education and Communication (IEC) hinggil sa water, sanitation and hygiene (WASH).

Namahagi rin umano ang DOH ng iba’t ibang maintenance medicines sa nasabing aktibidad, gayundin ng 100 sako ng fortified rice para sa mga buntis at 10 hearing aids sa mga piling paslit na may problema sa pandinig.


Ang aktibidad ay isinagawa bilang kolaborasyon sa lokal na pamahalaan ng Dagupan City, City Health Office, Region 1 Medical Center (R1MC), Provincial DOH Office, mga opisyal ang Mayombo District Barangay at iba pang partner stakeholders.

Dinaluhan rin ang naturang launching ng “PuroKalusugan Program” nina Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez, Vice Mayor Bryan K, Kua, Board Member at SP on Health Chairperson Shiela Marie F. Banigued, at Mayombo District Brgy Captain, Arsenio Curameng.

Tags: Department of Health (DOH) – Ilocos Region

You May Also Like

Most Read