Iniulat ng Area Police Command -Southern Luzon na may tatlong indibidwal ang nasawi sa kasagsagan ng paghagupit ng tropical storm ‘Aghon’ kamakalawa.
Ayon sa Police Regional Office 4-A, may tatlo nang naitalang nasawi sa lalawigan ng Quezon bunsod ng pananalasa ng bagyong ‘Aghon’ na may international name na ‘Ewiniar.’
Sa ulat ni Area Police Command-Southern Luzon Police Director Lt. Gen. Rhoderick Armamento kay PNP Chief PGen Rommel Marbil, kabilang sa mga nasawi ang isang lalaking nadaganan ng bumagsak na puno ng Acacia habang natutulog sa Brgy. Sampaga, San Antonio, Quezon.
Isa rin ang nasawi nang mabagsakan ng puno sa Lucena City sa lalawigan din ng Quezon, ayon sa Area Police Command-Southern Luzon, habang pitong katao naman ang naiulat na sugatan sa Bicol Regional, ayon sa situation report na inilabas naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council kahapon ng tanghali, habang patuloy na nakakaapekto ang tropical storm ‘Aghon’ sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa Office of Civil Defense, ang operational arm ng NDRRMC, matinding tinamaan ng bagyo ang Calabarzon at Bicol region . Umaabot naman sa 8,465 pamilya o 19,373 indibiduwal ang naapektuhan ng bagyo, habang 57 seaports naman ang naparalisas sa kasagsagan ng bagyo, na naka-apekto sa 5,969 passengers, 987 rolling cargoes, 40 vessels at 10 motorbancas.
Nagkaloob na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng P1.2 billion humanitarian assistance bukod pa sa P3.1 billion standby funds para matiyak ang ‘wider and faster distribution’ ng government relief sa mga residenteng apektado ng bagyong ‘Aghon’.
Sinabi ni Posadas na ang mga food at non-food items ay inihanda na ng OCD at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga regional office, upang madagdagan ang mga mapagkukunan ng mga local government units.
Dagdag pa ni Posadas na ang kanilang binabantayan ay ang buhos ng ulan, lalo na at didikit siya nang medyo malapit dito sa Metro Manila.
Simula alas-8 ng umaga noong Lunes ay napanatili ng bagyo ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa bahagi ng Quezon, Rizal, Batangas at Laguna, habang napanatili ng ‘Aghon’ ang lakas nito.