Labis na ikinatuwa ng mga papaalis na pasahero ang unang araw ng pagtanggal sa initial screening inspection sa departure area sa NAIA terminal 1.
Kahapon, Disyembre 1, ang unang araw na isinagawa ang dryrun ng pangtanggal ng initial screening para sa mga bagahe ng mga pasaherong papalabas ng bansa.
Ito ay base sa napagkasunduan ng pamunuan ng Manila International Airport Authority sa pangunguna ni general manager Cesar Chiong, mga local airlines at mga stakeholders nito, sa isinagawang pagpupulong noong nakaraang linggo, upang mapagaan ang pagbiyahe ng air passengers sa paliparan ngayong Christmas season.
Sa unang araw naman ng paglilipat ng ilang international flights ng Philippine Airlines mula sa NAIA terminal 2 patungong terminal 1, naitala sa 30 porsyento ang inaasahang madaragdag sa pasahero ng NAIA terminal 1
Iniutos ni MIAA GM Chiong ang pagdadagdag ng mga Airport Police personnel, mga K-9 at PNP Aviation police upang magbantay sa bungad papasok sa departure lobby.
Ganun din ang karagdagang tauhan ng PAL para mag-assist sa mga pasaherong paparating at palabas ng bansa.
Samantala, may isang naiwan na x-ray machine para lamang sa mga empleyado ng MIAA na papasok sa departure area. (JERRY S. TAN)