Latest News

UMIINOM NG SOFTDRINKS, BINOGA, PATAY

By: Baby Cuevas

Agad na nasawi ang isang 47-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng isang dating bilanggo habang umiinom ng softdrinks sa harapan ng isang tindahan sa Tondo, Maynila, Martes ng gabi.

Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si alyas ‘Carlito,’ ng Sto. Niño St., Delpan, sa Tondo. dahil sa tama ng bala sa batok at dibdib.


Samantala, nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si alyas ‘Erwin,’ 29, ex-convict at miyembro ng Batang City Jail (BCJ), ng Magsaysay Street, sa Tondo.

Batay sa imbestigasyon ni PMSG Arvy Macarasig ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), naganap ang pamamaril alas-7:15 ng gabi sa kanto ng Coral St. at Quirino Streets sa Tondo.

Sa salaysay ng testigong si alyas ‘Renz,’ pinsan ng biktima, bago ang krimen ay nakita pa niyang nakaupo ang suspek sa loob ng isang pedicab.


Binati umano ni Renz ang suspek ngunit hindi siya nito pinansin at sa halip ay bumaba ng pedicab at naglakad patungong Quirino Street..

Nang makita umano ng suspek ang biktima na umiinom ng softdrink sa harap ng tindahan ay kaagad na itong bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima hanggang sa duguan itong bumagsak sa kalsada.


Mabilis na isinugod sa pagamutan ng mga testigo ang biktima ngunit patay na nang idating doon.

Naglakad lamang naman na umalis sa lugar ang suspek patungo sa direksiyon ng Perla Street upang tumakas.


Sa ngayon ay masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy ang motibo sa pamamaril.

Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like