Magandang balita para sa mga minimum wage earners at mga kasambahay sa Bicol Region at Zamboanga Peninsula.
Makakatanggap sila ng wage hike o umento sa sahod, simula sa susunod na buwan at ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang minimum wage sa Bicol ay magiging P435 na mula sa dating P395.
Ang naturang umento sa sahod ay ipatutupad umano ng dalawang tranches, kung saan ang una ay epektibo sa Abril 5 at ang ikalawa naman ay sa Disyembre 1, 2025.
Anang DOLE, aabot sa 100,414 minimum wage earners ang inaasahan nilang makikinabang sa naturang wage hike.
Samantala, ang mga kasambahay naman sa Bicol ay inaasahang makakatanggap ng P1,000 monthly salary increase, simula sa Abril 5.
Dahil dito, aabot na sa P6,000 ang kanilang buwanang sahod mula sa dating P5,000 lamang.
Simula naman sa Abril 3, ang mga kasambahay sa Zamboanga Peninsula ay inaasahang makakatanggap ng umento na P900 sa kanilang sahod kada buwan.
Nangangahulugan ito na ang mga household workers sa chartered cities at first class municipalities sa naturang rehiyon ay makakatanggap na ng P5,500 na sweldo kada buwan.
Ang mga nasa ibang munisipalidad naman ay makakatanggap ng sahod na tig- P5,000.
Napag-alaman na umaabot sa 18,984 ang bilang ng kasambahay sa Zamboanga Peninsula.














