UMAWAT NA MAINTENANCE, PATAY SA ISANG SUNTOK

By: Baby Cuevas

Nasawi ang isang maintenance man nang mabagok ang ulo nito matapos na suntukin ng kanyang kainuman na inaawat niya sa pakikipag–suntukan sa kanyang pamangkin sa San Andres Bukid, Manila nitong Linggo ng gabi.

Patay na nang dalhin sa ospital ang biktimang si Ronaldo Bugayong, 44, maintenance at residente ng Granate St.,, San Andres dahil sa tinamong pinsala sa ulo, habang arestado naman ang suspek na si Eduardo Villanueva Jr., 31, kapitbahay ng biktima, na ngayon ay mahaharap sa kasong pagpatay.


Sa ulat ni PSSG Bryan Silvan ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Kasoy Alley, malapit sa Granate St., sa San Andres.

Bago niyan, nag-iinuman umano ang biktima at suspek nang dumating si Daniel Villegas, 21, driver at pamangkin ng biktima, at ipinarada ang dalang e-bike sa Kasoy Alley, kung saan nag-iinuman ang suspek at biktima.

Inalok umano ng suspek ng tagay si Villegas na tinanggihan nito at dahil napahiya, nagalit umano ang suspek at kaagad na sinuntok si Villegas.


Nagalit naman si Villegas at kaagad na gumanti kaya’t nauwi sa suntukan ang insidente.

Dito na umano umawat ang biktima ngunit siya naman ang inundayan ng suntok ng suspek sa mukha.


Nawalan ng balanse ang biktima sanhi upang mabuwal ito at mabagok ang ulo sa sementadong kalsada.

Dahjil sa tindi ng pagkakabagok ay nawalan ng malay ang biktima na kaagad na isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like