Latest News

UMALMA PERO HINDI NATINAG ANG PCG SA PAMBU-BULLY NG CHINESE SHIP

UMALMA ang pamunuan ng Philippine Coast Guard sa ginawang pambu-bully ng Chinese ship nang magsagawa ito ng “close distance maneuvering” malapit lamang sa barko ng PCG na umanoy isang peligrosong hakbang sa gitna ng dagat.

Hindi naman nagbigay ng reaksyon ang Chinese embassy sa ginawang “close distance maneuvering” ng Chinese Coast Guard vessels sa may Bajo de Masinloc habang nagsasagawa ng maritime patrol ang BRP Malabrigo (MRRV-4402) ng Phil. Coast Guard (PCG).

Sa halip na magbigay ng tugon hinggil sa naganap na insidente noong March 2, 2022 ay naglabas lamang ang embahada ng China ng listahan ng umanoy mga paglabag ng U.S sa South China Sea.

Ang nasabing insidente ay lubha umanong peligroso dahil sa posibilidad na magbanggaan ang dalawang barko na maaring pagmulan ng aksidente sa karagatan o miscalculation sa dalawang panig.

Inihayag naman ni PCG commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu na hindi ito ang unang insidente na ginawa ng China Coast Guard, bagkus ay pang -apat na insidente na umano ito sa loob ng karagatan na sakop ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.

Ayon kay Admiral Abu, na-monitor ng mga Coast Guard personnel ang China Coast Guard vessel na may bow number 3305 na nagsagawa ng close distance maneuvering approximately 21 yards mula BRP Malabrigo (MRRV-4402).

Paliwanag ni Admiral Abu, ang ginawa ng Chinese Coast Guard ay pinipigilan nito ang maneuvering space ng BRP Malabrigo na malinaw na paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS).

Ayon kay Admiral Abu, dahil sa insidente ay nakipag-ugnayan na ang PCG sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at the Department of Foreign Affairs (DFA) para tugunan ang isyu sa pamamagitan ng rules-based and peaceful approaches.

Aminado naman si Admiral Abu na batid ng PCG ang mapanganib na sitwasyon sa karagatan, subalit hindi ito magiging hadlang sa pag-deploy ng kanilang mga barko sa Bajo de Masinloc, Philippine Rise, at sa iba pang bahagi ng bansa na exclusive economic zones (EEZ). (VICTOR BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read