Tumanggi si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na isapubliko ang mga iniulat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naging pulong kay President Xi Jinping.
Aniya, walang kinalaman ang nasabing pag-uusap sa naiulat na pag-water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) na maghahatid ng mga suplay sa tropang militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“I don’t think it’s related. I don’t think this is related to his visit. Wala naman. Pinag-usapan lang kung ano ‘yung pinag-usapan nila. Nagkuwentuhan sila,” ani Pangulong Marcos.
“Of course, there are other things na napag-usapan which I think need to remain confidential. That’s between President Digong and myself. So, again, these are operational aspects of our military, of our Navy, of our Coast Guard kaya’t mahirap masyadong pag-usapan. So, I hope you will indulge me,” dagdag pa ng Pangulo.
Matatandaang umabot ng dalawang oras ang pulong nina Marcos at Duterte sa Palasyo kasama si Senador Bong Go at dating Executive Secretary Lucas Bersamin at ilang miyembro ng Gabinete, kasunod ng ulat na nakipagkita si dating President Duterte kay President Xi Jinping ng China.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na may bagong note verbale na ipinadala sa China kasunod ng napaulat na insidente ng water canon.
Ayon kay Marcos, nagtungo si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian upang talakayin ang nasabing insidente.













