Latest News

Ulat na gumagamit ng mataas na antas ng ‘ethylene oxide’ ang Lucky Me! Noodle brand, bini-beripika na ng FDA — DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na biniberipika na ng Food and Drug Administration (FDA) ang ulat na ang popular na Pinoy noodle brand na ‘Lucky Me!’ ay gumagamit umano ng mataas na lebel ng ‘ethylene oxide.’

Kasabay nito, nilinaw rin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pa silang pinapa-hold na produkto dahil kumukuha pa sila ng detalye hinggil dito.

“Wala pa tayo pinapa-hold as we are still verifying the report and getting details. The incident was from Europe, our FDA now is verifying the report so we can issue further information to the public,” mensahe pa ni Vergeire, sa mga mamamahayag.

Nauna rito, ipinag-utos sa European Union (EU) at Taiwan ang pag-recall sa mga produkto ng Lucky Me! dahil sa mataas na antas ng naturang kemikal. Nagpalabas na rin umano ng safety warnings ang mga pamahalaan ng Ireland, France, at Malta laban sa Lucky Me!, at pinayuhan ang kanilang mga mamamayan na iwasan ang pagbili at pagkain ng naturang produkto.
Nabatid na ang ethylene oxide, ay isang uri ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng pestisidyo at sterilizers, gayundin ng ethylene glycol na isang component ng antifreeze at polyester.

Ito umano ay isang volatile gas na may mataas na amoy at nagdudulot ng pananakit ng ulo, pagduruwal, pagsusuka, pagtatae, hirap sa paghinga, pagkahilo, panghihina, pagkapagal, eye at skin burns, at frostbite, bukod pa sa reproductive effects nito.

Samantala, mariin naman nang pinabulaanan ng kumpanya ng Lucky Me! na Monde Nissin Corporation, ang naturang akusasyon laban sa kanilang produkto.

Sa isang public statement nitong Huwebes, tiniyak ng Monde Nissin Corporation, na hindi sila gumagamit ng ethylene oxide sa pagmanupaktura ng Lucky Me! noodles.

Ipinaliwanag rin nito na ang ethylene oxide ay maaaring nasa mga sangkap na kanilang binibili sa paggawa ng kanilang produkto, dahil ito’y karaniwang ginagamit sa treatment ng mga spices at mga buto, upang kontrolin ang microbial growth na tipikal sa mga agricultural products.

“We are aware of information being shared about certain Lucky Me! products in an ongoing recall in the EU and Taiwan due to the presence of Ethylene Oxide. The recall affects other companies’ noodle brands and multiple categories such as ice cream, sesame seed, spices, calcium carbonate supplements, among others,” anito.

“We would like to clarify that Ethylene Oxide is not added in Lucky Me! products. It is a commonly used treatment in spices and seeds to control microbial growth typical in agricultural products. These materials, when processed into seasoning and sauces, may still show traces of Ethylene Oxide,” paliwanag pa nito.

Tiniyak rin nito na ang lahat ng produkto ng Lucky Me! sa Pilipinas ay rehistrado sa FDA at tumatalima sa local food safety standards at maging sa US FDA standards para sa Ethylene Oxide. (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read