UGNAYANG CHIZ-LUBIANO, NAGSIMULA GOVERNOR PA LANG SI ESCUDERO — ACERON

By: Baby Cuevas

Dalawang linggo matapos magsampa ng reklamo laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero, nagsumite si Atty. Eldrige Marvin Aceron ng isang Omnibus Motion sa Senate Ethics Committee na nagsisiwalat na ang ugnayan nina Senador Escudero at kontratistang si Roberto Lubiano ay may “transaksiyonal” nang katangian noong panahon ng panunungkulan ni Escudero bilang gobernador ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022. Ang mosyong ito ay isinampa sa gitna ng pagtigil ng Senado sa mga pagdinig kaugnay ng iskandalong may kinalaman sa flood control, habang nananatiling isinasagawa sa pinid na pinto ang mga pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ipinapakita ng public documents na habang nanunungkulan si Escudero bilang gobernador ng Sorsogon, nakakuha ng mga kontrata sa gobyerno noong 2021 ang kompanya ni Lubiano na Metroways Health Care and Medical System. Mula Disyembre 2021 hanggang Mayo 2022, nagbigay si Lubiano ng halagang P30,000,000 bilang kontribusyon sa kampanya ni Escudero sa pagkasenador. Mula naman 2022 hanggang 2025, ang kompanya ni Lubiano na Centerways Construction ay nakakuha ng kabuuang P16,670,000,000 na mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na karamihan ay nakatuon sa lalawigan ng Sorsogon.


Sinabi ni Atty Aceron: “Hindi ito simpleng kaso ng isang politiko na tumanggap ng donasyon mula sa isang kaibigan, tapos ay nagkataon lamang na nanalo sa mga kontrata ang kompanya ng kaibigang iyon. Ito ay kaso ng isang kontratista na noon pa ay nabigyan na ng mga kontrata ng gobyerno sa ilalim ng pamunuan ng isang gobernador, at pagkatapos ay nagbigay ng P30 milyon na donasyon mula sa kanyang koroirasyon para sa kampanya ng gobernador Senado, at kalaunan, ang iba pang mga kompanya ng kontratistang iyon ay muling nabigyan ng bilyon-bilyong halaga ng mga kontrata matapos maging senador ang naturang gobernador.” Ibig sabihin, nagpalitan ng pabor ang senador at ang kontratistang kaibigan at hindi ito gawaing marangal ng isang mambabatas.

Ayon pa kay Aceron:, “Iyan mismo ang dahilan kung bakit ko idinokumento ang P35,070,000 na pagkakaiba sa accounting records ng Centerways sa kanilang mga isinumiteng ulat sa SEC. Hindi kayang patunayan ng mga talá ng kompanya ang paliwanag ni Senador Escudero na inakala niyang personal na pera ng kaibigan ang ibinigay sa kanya. Kapag ang isang nakaupong senador ay tumanggap ng P30 milyon mula sa may-ari ng kompanyang patuloy na nananalo sa mga kontrata ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon noon, ang kibit balikat na pagsabing “Pinagkatiwalaan ko ang aking kaibigan’ ay hindi sapat na pagpapakita ng maingat na pagsusuri alinsunod sa RA 6713 – Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”

Ang Centerways Construction ay nagsumite ng tatlong magkaibang bersyon ng kanilang 2022 Annual Financial Statements sa SEC: Sa 2023 filing, ipinakita ang Retained Earnings na ?315,146,828; sa 2024 filing, ipinakita itong P280,076,828 (restated); at sa 2025 filing, nanatiling P280,076,828 (restated). Ibig sabihin, P35,070,000 ang nawala mula sa retained earnings sa pagitan ng unang at ikalawang pagsumite—na siya ring panahong naganap ang P30 milyong donasyon—nang walang anumang paliwanag na ibinigay alinsunod sa Philippine Accounting Standard (PAS).

Ibinunyag rin sa Omnibus Motion na si Lubiano ang may ari ng 91% shares ng Metroways Health Care and Medical System, Inc., na itinatag noong 2021. Batay din sa public documents, pampublikong tala at dokumentasyon sa social media, nakumpirmang ang nasabing kompanya ay nakakuha ng mga kontrata sa gobyerno noong panahon ng panunungkulan ni Escudero bilang gobernador, kabilang ang pagbibigay ng mga suplay at kagamitang medikal sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Ipinaliwanag ni Aceron, “May tuwirang kaalaman si Senador Escudero sa mga kompanyang pag-aari ni Lubiano na nanalo sa mga kontrata ng gobyerno dahil ang mga kontratang iyon ay iginawad noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang gobernador. Kaya’t hindi niya maaaring sabihin na hindi niya alam ang mga interes sa negosyo ni Lubiano nang tanggapin niya ang ?30 milyon.”




Partikular na hinihiling ng Omnibus Motion sa Senate Ethics Committee na isagawa ang mga sumusunod: 1) Pabilisin ang pag-refer ng reklamo kay Senador Escudero at magtakda ng tiyak na palugit para sa kanyang tugon; at 2) Maglabas ng mga subpoena upang makuha ang kumpletong financial records ng Centerways Construction at Metroways Health Care, pati na rin ang personal na talaan sa pananalapi ni Lubiano, mga BIR records na nagpapakita ng dividend declarations at shareholder transactions, at ang mga tala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022 na naglalahad ng lahat ng kontratang iginawad sa dalawang kompanyang ito.

Hinihiling din ng mosyon sa Ethics Committee na magsagawa ng pagdinig upang matukoy ang mga sumusunod: 1) Kung ang “good faith belief” ay sapat na batayan upang masabing natugunan ang due diligence requirements sa ilalim ng RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees); 2) Kung paano sinuri ni Senador Escudero ang pinagmulan ng donasyong ibinigay ni Lubiano bago niya ito tinanggap; 3) Kung paano nauugnay ang P35 milyon na pagkakaiba sa accounting records sa sinasabing donasyon mula sa “personal funds”; at 4) Kung ang ugnayan nina Escudero at Lubiano ay transaksiyonal na noong panahon ng panunungkulan ni Escudero bilang gobernador.

Pahayag ni Aceron, “Kung may mapatunayang mga paglabag, ang kaso ay dapat i- endorse sa mga nararapat na ahensya ng pamahalaan.”

Binanggit sa mosyon na apat na araw matapos maisampa ang Ethics Complaint, si Senador JV Ejercito — na Chairman ng Senate Ethics Committee — ay nag-post ng pagbati sa kaarawan ni Senador Escudero sa Facebook, na ibinahagi naman ni Escudero na may kalakip na pasasalamat.

Ayon pa kay Aceron, “Binanggit ko ito hindi upang kuwestiyunin ang integridad ni Senador Ejercito, kundi upang igiit na ang taumbayan ay nangangailangan ng kumpiyansa na ang proseso ng etika ay isinasagawa nang walang kinikilingan, lalo na kapag ang mga dokumentaryong ebidensya ay nagpapakita ng mabibigat na katanungan.”



Tags: Atty. Eldrige Marvin Aceron

You May Also Like