TINIYAK ng Universidad de Manila (UdM) na kinikilala nito ang mga ‘concern’ na naglabasan kaugnay ng di magandang komento ng isang faculty member nito para kay Awra Briguela, isang showbiz personality na miyembro din ng LGBTQIA+ community.
Ayon kay UdM President Felma Carlos-Tria, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa at ang isyu ay kasalukuyang tinatalakay sa tulong ng University Administration at Gender and Development (GAD) Office, alinsunod sa umiiral na ‘institutional policies at procedures.’
Matatandaang nag-react si Briguela sa isang netizen na nagkomento ng, “Ay babaeng may b*rat,” ukol sa isang artikulo ukol sa aktres na inilabas ng ABS-CBN News. Napag-alaman kalaunan na ang naturang netizen ay isa palang professor sa naturang unibersidad.
“As an academic institution, the University does not condone behavior or expressions that may be perceived as discriminatory, demeaning, or harmful to any individual,” ani Tria.
“While necessary investigation and interventions are currently being undertaken through the appropriate offices, we remain committed to fostering a safe, respectful and inclusive environment for all, regardless of gender identity, gender expression or sexual orientation,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, napadalhan na umano ang naturang propesor ng ‘notice to explain’ at nakapagbigay na din ito ng kanyang paliwanag.














