NAGPAHAYAG ng kanyang taos pusong pasasalamat si Universidad de Manila (UdM) President Dr. Felma Carlos-Tria kina Mayor Honey Lacuna and Vice Mayor Yul Servo sa kanilang totoo at ‘di matatawarang suporta sa UdM, kasunod ng kanyang pag-uulat na naging mabilis, matiwasay at maayos ang ginawang pamamahagi ng financial allowance na ibinibigay ng pamahalaang-lokal para sa lahat ng mag-aaral sa UdM.
Sinabi ni Lacuna na ang nasabing allowances ay ipinamahagi on a ‘per college basis’ para matiyak ang kaayusan ng proseso at siguruhing komportable ang mga estudyante.
“These payouts to students are regular occurrences. These allowances are the beneficiaries’ share of the taxes collected and revenues generated by the city,” ani Lacuna.
Ayon kay Lacuna, bagama’t hindi kalakihan ang allowance ay ibinibigay ito ng kanyang administrasyon bilang pandagdag sa mga gastusin ng mga mag-aaral sa mga kolehiyong pinatatakbo ng Maynila.
Sa ulat na ipinadala ni UdM President Tria, napag-alaman na ang pamamahagi ng student allowance ginawa sa UdM nitong March 4 at 5.
“Day 1 classes were suspended but we still distributed the allowance. We deployed more staff to distribute the cash faster so the students won’t need to stay in school longer than necessary,” pahayag ni Tria.
Aniya, ang mga ‘di nakakuha ng nasabing allowance ay maaari nila itong kunin sa Friday (March 7, 2025).
Sinabi din ni Tria na halos one hundred percent ng student-beneficiaries na umaabot sa 10,492 ang kabuuang bilang ang nakatanggap na ng P2,000 bawat isa na kumakatawan sa P1,000 monthly allowance nila para sa mga buwan ng November at December.
Maliban sa UdM, sinabi ni Lacuna na ang 8,200 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay nabigyan din ng parehong halaga sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts.
Ang allowances ng mga estudyante ng UdM ay na-release sa pamamagitan ng ‘personal payouts’ at ayon kay Lacuna, kasalukuyan nang nilalakad ng kanyang administrasyon na idaan na din sa debit cards ang ayuda ng mga estudyante sa UdM “for security reasons and for financial inclusion purposes consistent with policies of the Bangko Sentral ng Pilipinas”
Ang pamamahagi ng buwanang allowances para sa kabuuang bilang ng mga mag-aaral na 18,692 mula sa PLM at UdM ay bahagi ng social amelioration program (SAP) na ipinasa at iniakda nang si Lacuna ay Presiding Officer ng Manila City Council, isang posisyon na kanyang hinawakan nang siya ang Vice Mayor ng lungsod.
Bukod sa mga university students ng Maynila ay tumatanggap din ng buwanang financial assistance mula sa lungsod ang mga senior citizens, solo parents at persons with disability.