NADAKIP sa inilunsad na joint military and police law enforcement operation sa Sulu ang isang babae na kabilang sa idineklara ng United States bilang Specially Designated Global Terrorist at kasama sa United Nations Security Council Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL) or Daesh at Al-Qaeda Sanctions List.
Ayon sa Anti-Terrorism Council, ang itinuturing na global terrorist na kinilalang si Myrna Mabanza ay nagsisilbing financier ng Islamic State at taga-suporta ng Al-Qaeda .
Sa ulat, nadakip ang naturang suspek sa isinagawang law enforcement operation sa bisa ng warrant of arrest sa Brgy. Pasil, Indanan, Sulu, ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, Armed Forces of the Philippines, Sulu Police, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Anti-Money Laundering Council (AMLC), at suportado ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Si Mabanza ay nahaharap ngayon sa limang counts na kasong paglabag sa Republic Act 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o The Anti-Terrorism Act of 2020.
Batay sa mga impormasyong nakalap ng mga otoridad, sangkot ang naturang suspek sa pag-transfer ng USD107,000 sa noo’y ISIS-Philippines leader Isnilon Hapilon noong Enero 2016.
Siya rin ang itinuturong taga-deliver ng pera ng iba pang mga ISIS member, at kilala rin bilang facilitator na sumusuporta sa ISIS-Philippines at Al-Qaeda.
Pinapurihan din ng ATC ang pagkakadakip kay Mabanza na kalaban ng estado dahil sa pagiging Financing Facilitator ng teroristang grupo .
Ang Anti-Terrorism Council (ATC), na pinamumunuan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, ay nagsabing malaking bagay ang pagkakadakip ng mga awtoridad sa sinasabing financier na nasa likod ng paglilipat ng pondo sa mga lider ng Islamic State East Asia at sa namatay na si Isnilon Hapilon, at nagsilbi ding intermediary sa pagitan nina Hapilon at mga elemento ng Daesh sa Syria.
“She also helped facilitate the travel of a representative of a Daesh-linked terrorist group, the Jamaah Ansharut Daulah (JAD), from Indonesia to the Philippines to purchase arms and to set up training courses for pro-Daesh Indonesian recruits with local terrorist groups on firearms use and basic bomb-making, ” ayon sa ATC.














