Latest News

TVJ kinasuhan ang TAPE, GMA ng copyright infringement

NAGSAMPA na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon o ang TVJ laban sa production firm na TAPE Inc. at GMA 7 ng kasong copyright infringement at hindi patas na kumpetisyon na may kinalaman sa noontime show na “Eat Bulaga.”

Ayon sa reklamo ng TVJ, na naging mga host ng Eat Bulaga sa loob ng higit apat na dekada, walang karapatan ang TAPE na gamitin ang logo, jingle, segments ng Eat Bulaga.

Naghain ng reklamo ang tatlo, kasama si Jeny Perea Ferre, ang head of creatives and production operations ng “Eat Bulaga” mula 1994 hanggang Mayo 31, 2023.


Matatandaang noong Mayo 31, 2023 nag-resign ang TVJ at iba pang hosts ng noontime show sa TAPE, Inc., ang producer ng Eat Bulaga.

Sa reklamong inihain sa korte ng Marikina City noong Hunyo 27, 2023, sinabi ng TVJ na pagmamay-ari nila ang copyright sa “Eat Bulaga”, gayundin ang disenyo ng logo at ang jingle nito.


Sinabi rin nila sa reklamo na si Ferre ang nagkonsepto ng ilang segment ng TV show tulad ng “Pinoy Henyo,” “Super Sireyna,” Sa Pula, Sa Puti,” at “Bawal Judgmental.”

Hiniling ng TVJ sa korte na maglabas ng writ of preliminary injunction para pigilan ang TAPE Inc. sa pagpapalabas ng mga replay ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 at iba pang network, gayundin sa paggamit ng mga segment nito, logo at jingle ng show.


Pinagbabayad din ng TVJ ang TAPE, Inc. ng damages at legal fees sa halagang P21 milyon.

Ayon sa reklamo ng TVJ: “Given that plaintiffs are the creative force behind the subject show EAT BULAGA, its elements, musical arrangements, and segments, it follows that plaintiffs own the copyright over (a) the Subject Show EAT BULAGA, its elements and derivative works (such as its jingle/music, and varied logo designs), and its individual segments (such as Pinoy Henyo and Juan For All, All For Juan); and (b) the audiovisual recordings thereof.”

Ikinatwiran ng TVJ at ni Ferre na ang lahat ng kanilang intelektwal na likha para sa “Eat Bulaga” ay nananatili na kanilang pag-aari dahil hindi sila empleyado ng TAPE Inc., na pag-aari ng pamilya ni dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos Sr.

Matapos mag-resign ang TVJ at ang “Dabarkads” sa “Eat Bulaga,” patuloy na ipinapalabas ng TAPE ang noontime show sa GMA 7 na may bago nang mga host na kinabibilangan ni dating Manila Mayor Isko Moreno, Paolo Contis, at ang magkapatid na Cassy at Mavy Legaspi.

Ang “copyright,” ayon sa Intellectual Property Office of the Philippines ay “legal na proteksyon na ipinaabot sa may-ari ng mga karapatan sa isang orihinal na gawa.”

Tags: Joey de Leon, Tito Sotto, Vic Sotto

You May Also Like

Most Read