By: JANTZEN ALVIN
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon na ng isang bagong barangay ang munisipalidad ng Tupi sa South Cotabato.
Ito ay matapos pinaburan ng mga residente ang isang plebisito na naglalayong itatag ang Baranngay Juan-Loreto Tamayo, bilang isang hiwalay na barangay, mula sa barangay Miasong, Cebuano at Linan.
Ayon sa Comelec, lumilitaw na mula sa 2,485 botante, na lumahok sa plebisito, kabuuang 2,393 o 96.30% ang bumoto ng ‘Yes’ o pabor na ratipikahan ang paglikha ng Barangay Juan-Loreto Tamayo.
Nasa 89 botante lamang naman o 3.58% ang bumoto ng ‘No’ o tumutol dito.
Iniulat ng Comelec na umabot sa 25.45% ang overall voter turnout sa plebisito.
Napag-alaman din na ang mga barangay Cebuano, Linan, at Miasong, ay may kabuuang 9,765 registered voters.
Mismong si Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kasama ang mga senior officials at concerned field officials sa Tupi, ang masusing nag-monitor ng sitwasyon sa plebisito.
Samantala, nagpaabot ang Comelec ng pasasalamat sa lahat ng kanilang partner agencies na tumiyak na magiging maayos, mapayapa at ligtas ang nasabing aktibidad.
Ito ay kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga opisyal ng local government unit (LGU).