Latest News

Tunay ang malasakit ni Mayor Honey Lacuna

By: Jerry S. Tan

Proud na proud ang mga taga-Maynila sa maagap na pag-aksyon at ipinakitang malasakit ni Mayor Honey Lacuna nang tamaan ng matinding bagyo ang Pilipinas nitong Miyerkules.

Alas-12 pa lang ng madaling araw ay naka-monitor na ang alkalde sa mga kaganapan at nakapagbigay na ito ng atas sa mga kinauukulang tanggapan ng lungsod ng Maynila na karaniwan nang pinakikilos kapag may emergency o kalamidad.

Alas-3 ng madaling araw ay maagap din na nagpalabas ng advisory si Mayora para sa pagsuspindi ng mga klase at trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaang-lokal ng Maynila, maliban na lamang sa mga tanggapan na siyang gumagalaw sa oras ng kalamidad.

Ni hindi na inisip ni Mayor Honey ang sariling kapakanan nang sumuong ito sa bagyo at maging sa matataas na baha.

Mismong si Mayor Honey ang nanguna sa pag-iikot, pag-monitor at pagtitiyak na lahat ng dapat na mailikas ay agad na ilikas sa ligtas na lugar.

Inalerto na din niya Martes ng gabi pa lamang ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ni Arnel Angeles, Manila Social Welfare Department na pinamumunuan ni Re Fugoso, Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold Pangan, ang tanggapan nina Department of Engineering and Public Works (DEPW) head Engineer Andres at City Electrician’s Office chief Engineer Randy Sadac at maging ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) head Narciso Diokno, Manila Police District (MPD) director Gen. Arnold Thomas Ibay at Bureau of Fire Protection (BFP).

Lahat din ng ospital na pinatatakbo ng lungsod sa anim na distrito ng Maynila ay inihanda rin para sa mga maaring maging pasyente na dulot ng kalamidad.

Espesyal na atensyon naman ang talagang ibinigay ni Mayor Honey para sa mga senior citizens, PWDs at mga may karamdaman na nangangailangang mailikas sa gitna ng pagbayo ng malakas na pag-ulan at malawakang pagbaha.

Matapos ang maghapong pag-iikot, naligo at nagpalit lamang ng damit si Mayora at ayun, dumiretso naman sa evacuation centers upang personal ding asikasuhin ang mga inilikas doon at tiyakin na lahat ng kanilang pangangailangan ay matutugunan.

Matunog at paulit-ulit na ‘Ma-yo-ra!’ ang sigaw ng mga inilikas doon dahil tuwang-tuwa sila na mismong ang kanilang alkalde ang bumisita sa kanila para sila ay kamustahin at tiyaking naisaayos sila nang husto.

‘Yan ang kaibahan ni Mayor Honey sa ibang pulitiko.

Sinsero siyang tao at sinsero din ang malasakit niya sa mga taga-Maynila. Ni hindi niya ugaling nagbibitbit ng mga vloggers at media o television reporters liban na lamang sa sarili niyang public information office team na siyang nagdo-document ng mga aktibidad niya na ang layon ay ipaalam sa mga taga-Maynila ang mga kaganapan sa lungsod.

Hindi siya kagaya ng iba na sandamakmak ang mga bitbit na media at vloggers at pagkatapos siyang makunan, magpapa-interview tapos pag-alis ng mga vloggers at media ay aalis na din siya. Sa madaling salita, plastic.

Hindi rin naging ugali ni Mayor Honey ang mambola at magpanggap na may masalakit kahit hindi totoo. Mas gusto niyang ipadama ang serbisyong handa at gusto niyang ipalasap sa kanyang mga nasasakupan kesa idaan sa mga ‘praise release’ ang lahat.

‘Yan ang tunay at sinserong lingkod-bayan. Hindi showbiz.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read