Nanindigan ang dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Jeffrey Tumbado na n-pressure lamang siya kung kung kaya winithdraw niya ang alegasyon niyang korapsiyon sa ahensiya.
Iginiit ni Tumbado na maraming opisyal ang sangkot sa korapsiyon sa LTFRB.
Ang pahayag ay ginawa ni Tumbado matapos na humingi ng paumanhin kay dating LTFRB chair Teofilo Guadiz III.
“Kung ano man ang naging pahayag ko sa presscon sa UP Hotel noon, ay totoo at patuloy na titindigan ko… dahil ako mismo ang saksi,” ani Tumbado.
Unang sinabi ni Tumbado na ang mga operators ay kinakailangan na magbigay ng P5 milyon para sa pag apruba ng ruta, prangkisa at special permits.
Bukod kay Guadiz una din niyang idinawit ang ibang executive ng Department of Transportation at Malacañang.
Tinawagan umano siya ni Guadiz makalipas ang dalawang araw at sinabi na bawiin ang kanyang alegasyon.
“Humingi sya ng tawad sa akin, nagmamakaawa na bigyan ko sya ng pangalawang buhay, nakiusap na ibalik ko ang kanyang reputasyon at career,” ayon.kay Tumbado.
“Bukod pa ang kaliwa’t- kanang ‘pressure’ mula sa mga taong nasa panig ko kabilang ang pamilya ko at mga taong pumapanig kay Chairman Guadiz,” aniya.
Nagpahayag rin ng pangamba si Tumbado sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Nakatakdang dumalo si Tumbado sa pagdinig ng Senado kaugnay sa anomalya sa LTFRB sa Lunes.














